362 total views
Kinilala ng mga nagtalaga ng buhay sa Panginoon ang mga kaakibat na hamon bilang mga makabagong propeta na makibahagi sa misyon ni Hesus.
Ito ang pahayag ni Franciscan priest Fr. Angel Cortez, co-executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa pagdiriwang ng ika-25 World Day for Consecrated Life.
Ayon sa pari ang pagtatalaga ng buhay sa Panginoon ay patuloy na pagtugon sa mga hamon ng lipunan lalo na sa kasalukuyang panahon kabilang na ang pagtatanggol sa mamamayan at mahihinang sektor ng lipunan.
“Parte ng aming pagtugon o ang tinatawag naming prophetic witnessing ay pagkiling sa mga mahihirap, pagsabi ng katotohanan at higit sa lahat ipagtanggol ang karapatang pantao,” pahayag ni Fr. Cortez sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Fr. Cortez malaking hamon sa kanilang hanay ang gampanan ang misyon lalo’t karamihan sa mga naglilingkod sa simbahan na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan, karapatan ng mga manggagawa at mahihirap ay kadalasang biktima ng red-tagging at karahasan.
Nanindigan ang pari kasama ang AMRSP na patuloy isabuhay ang ebanghelyo ng Panginoon sa kabila ng mga pananakot at pambabanta na kanilang hinaharap.
“We continue to live out the gospel in our own way kahit na may mga sumisiil at bumabatikos; hindi kami magpapatinag sapagkat ito ang buhay na aming sinumpaan,” giit ni pari.
Binigyang diin din ni Fr. Cortez ang kahalagahan ng pagdiriwang ngayong taon sapagkat ipinagdiriwang din ng simbahan sa bansa ang ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo na dinala ng mga misyonerong dayuhan.
Tiniyak ni Fr. Cortez na isasabuhay at ibabahagi ng mga makabagong misyonero ang binhi ng pananampalataya na dinala ng mga misyonero noong 1521 upang higit na lumago hanggang sa susunod na henerasyon.
“Ito yung aming pagkakataon na magbibigay pugay doon sa mga misyonerong nauna dito sa Pilipinas at patuloy naming pagsusumikapan na makatugon sa hamon ng ebanghelyo lalong-lalo na sa bansa,” dagdag pa ni Fr. Cortez.
Pinangunahan naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang misa na ginanap sa National Shrine of the Our Lady of Rosary La Naval De Manila.
Ang AMRSP ay binubuo ng mahigit 200 kongregasyon sa buong bansa.