8,233 total views
Homiliya Para sa Kapistahan ng Basilica ng San Juan de Lateran, 9 Nobyembre, Juan 2:13-22
Bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito ng “Dedication of the Basilica of St. John Lateran“? Ano ba ang relasyon natin sa simbahang ito? Ito ang pinaka-“mother church” natin at ng lahat ng mga simbahang Katolika sa buong daigdig. Ito kasi ang cathedral ng Diocese of Rome, hindi naman ang St. Peter’s Basilica. Ayon sa tradisyon natin sa Catholic Church, ang pwede lang ma-elect na Santo Papa ay ang sinumang mapili at maluklok bilang bishop ng Diocese of Rome.
Kaya nga kapag nagmimisa ang kahit na sinong paring Katoliko saan mang panig at sulok ng mundo, sa dako ng Eucharistic Prayer, kailangan niyang banggitin ang pangalan ng kasalukuyang Santo Papa at ng Obispo ng diocese kung saan siya nagmimisa. Ang obispo kasi ang simbolo ng pagkakaisa ng lahat ng mga parokya sa isang diocese. Ang Santo Papa naman ay simbolo ng pagkakaisa ng lahat ng mga diocese sa buong mundo. Kaya pag sa Roma kami nagmimisa, kailangan naming sabihin ang ganito, “Alalahanin mo Panginoon ang iyong simbahang laganap sa buong daigdig, kasama ang aming Papa at Obispo na si Francisco…” Sa Roma lang iyon.
Kaya siya Santo Papa dahil Obispo siya ng Roma at ang Cathedral ng Diocese of Rome ay ang Basilica ng Saint John Lateran. Hindi gaanong alam ito ng marami. Dahil ang pinakapopular na simbahan kung saan madalas nakikita ang Santo Papa ay ang St. Peter’s Basilica, akala nila iyun ang cathedral. Hindi pala. Hindi ang basilica ng St. Peter’s kundi ang St. John Lateran.
Ito ba ang templo na tinutukoy sa ating tatlong pagbasa sa araw na ito? Hindi rin po. Narinig natin sa Gospel reading, matapos na palayasin ni Hesus ang mga nangangalakal sa templo, tinanong daw siya kung anong palatandaan ang pwede niyang ibigay bilang propeta na mayroon siyang karapatan na gawin o sabihin ang ginagawa at sinasabi niya. At ang sagot niya ay ganito, “Wasakin ninyo ang templong ito at itatayo kong muli sa loob ng tatlong raw.” Sabi ng manunulat, hindi nila alam na ang templong tinutukoy ni Hesus ay hindi ang templong bato kundi ang templo ng kanyang sariling katawan. Ito ang bagong templo na itatayo niya sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay.
Nasaan ang templong ito ngayon? Nasa langit, dahil matapos na siya’y muling nabuhay, umakyat siya sa langit at naluklok sa kanan ng Ama. Pero nasa lupa rin, dahil ang kasunod ng pag-akyat niya sa langit ay ang pagbaba naman ng Espiritu Santo upang sa pamagitan ng pagtitipon ng kanyang mga alagad at sugo ay mabuo ang buhay na katawan ni Kristo sa Simbahan. Di ba naririnig natin sa ebanghelyo, “Kung saan natitipon ang dalawa o tatlo sa ngalan ni Hesus, naroon siya…” Ibig sabihin ang banal na templo ng muling nabuhay na katawan niya ay naririto rin sa lupa, patuloy na nagpapaagos ng grasya, ng biyayang nagbibigay-buhay sa mundo. Iyon ang ating misyon. Wala tayong ibang misyon kundi ang misyon ni Kristo.