238 total views
Ang mental health, kadalasan, ay isang personal na isyu para sa maraming Filipino. Minsan pa nga, dahil personal ang ating pananaw dito, hindi natin alintana ang mental na kalusugan ng iba, at ayaw din natin magbahagi ng ating mga karanasan ukol dito. Hindi natin naiisip na ang ating kapanatagan sa puso at isip ay mahalaga hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa lipunan at sa ating ekonomiya.
Ayon sa isang pag-aaral ng United Nations, umaabot ng 0.4% ng ating GDP o $1.35 billion kada taon ang direct costs para sa mental health conditions. Pero mas malaki pa ang indirect cost ng mental health burden na umaabot ng Php66.2 billion. Sakop ng indirect costs na ito ang absenteeism, premature death, at ang reduced productivity.
Ang mga bilang na ito ay dapat maging isang malaking wake-up call sa ating lipunan. Ang mental health ay hindi lamang personal na isyu, ito ay isang panlipunan at pang-ekonomiyang isyu. Maraming mga pamilya sa ating bansa ang nag-iisang humarap sa isyu na ito, isang isyu na mahirap kayanin ng mga ordinaryong pamilya lamang.
Marami sa atin ay hindi alam ang mga uri ng mental health problems at mga paraan upang harapin ito. Kaya’t sa lebel ng pamilya, marami ang hindi alam o minamaliit lamang ang mga senyales ng mental health issues o di kaya dini-deny ang mga ito. Ang resulta, lumalala ang paghihirap na nadarama ng mga may mental health issues- naiiwan siyang mag-isa.
Sa lebel ng komunidad, walang support system ang mga pamilyang may miyembro na nakakaranas ng mental health issues. Sa barangay, madalang ang may mga programa para dito, kahit pa may Mental Health Law sa ating bansa na naglalatag ng mga serbisyo para sa mental health sa ating mga pamayanan. At ang komunidad, kapanalig, ay hindi lamang limitado sa barangay. Kasama dito ang ating mga paaralan, unibersidad, at work places. Wala o kung meron man, kulang na kulang ang support services para sa mental health sa mga lugar na ito.
Ang ating makabago at digital na lipunan, kapanalig, ay maaaring nakakapinsala din sa ating mental health. Ang social media, halimbawa, ay isang highly uncontrolled portal of information. Nagbabaha ang unfiltered information dito na ating kasama mula pag-gising hanggang pagtulog. Scroll tayo ng scroll kapanalig, kahit maraming pag-aaral na ang nagpapakita na ang doom scrolling natin ay nagdudulot at nagpapalala pa ng anxiety, depression, at iba pang mental health issue. Pinagkakakitaan na tayo ng mga social media portals, nagdudulot pa ito sa atin ng kaguluhan ng pag-iisip.
Pinahahalagahan ng ating Simbahan ang mental health. Isa sa mga paraan na tinataguyod ng Simbahan ang kahalagahan nito ay sa pagtataguyod ng komunidad. Umuusbong ang paniniwala na ito mula sa pagmamahal. Ayon nga sa Caritas in Veritate: To love someone is to desire that person’s good and to take effective steps to secure it. Besides the good of the individual, there is a good that is linked to living in society: the common good. It is the good of “all of us,” made up of individuals, families and intermediate groups who together constitute society.”
Sumainyo ang Katotohanan.