991 total views
Dati-rati, kapanalig, ang agrikultura ang ating pangunahing bread and butter. Ito noon ang driver ng ekonomiya ng ating bayan. Malaking porsyento ng ating gross domestic product noon ay mula sa bunga ng agrikultura.
Noong 1970s, halos one-third ng ating ekonomiya ay mula sa agrikultura, at naging one-fourth na lamang ito noong 1980s. Paliit ng paliit ang ambag ng sektor sa ekonomiya hanggang nitong 2021, base sa opisyal na datos, ang agriculture forestry, at fishing ay 9.6% na lamang ang ambag sa GDP ng bansa. Ang services sector ang may pinaka-malaking share o bahagi sa ating GDP noong 2021. Umabot ito ng 58.7%.
Maganda sana kapanalig, na atin ding mabigyan ng tutok ang growth and modernization ng agriculture sector. Ang tagal na panahon din namang ating nakaligtaan ang kapakanan ng mga napapaloob sa sektor na ito. Mas madalas pa nga, sila ang nadedehado dahil maraming mga sakahan ang nasasalin o narere-classify bilang commercial or residential use. Gumagapang ng gumagapang ang urbanisasyon, at ang epekto, ang mga magsasaka at kanilang sakahan ang nadi-displace.
Apektado nga rin ang mga magsasaka natin ng mas malawak na importasyon ngayon ng agricultural products. Isang ehemplo nga dito ay ang importasyon ng bigas, na kinokompetensya ang ating mga rice farmers. Maraming mga rice farmers ang nagsasabi na dahil sa pagdami ng imported na bigas, bumababa ang kita ng mga sakahan sa ating bayan.
Kapanalig, sa sitwasyon ng ating mga magsasaka, hindi na sasapat ang cash assistance at puro salita. Pati nga imprastraktura, kulang na rin. Sa sektor ng agrikultura, napakahalaga ng pro-poor at pro-farmer policies. Kailangan mairepaso ang policy framework na nakapalibot sa sektor at siguruhing naka-ayon ito sa kabutihan ng ating mga lokal na magsasaka.
Tinatayang nasa 9.7 million katao ang employed sa agricultural sector. At ayon nga sa National Anti-poverty Commission, nanatiling isa sa mga pinakamahirap na sektor ang agrikultura. Base sa opisyal na datos, nasa 31.6% ang poverty incidence sa hanay ng mga magsasaka. Ang poorest of the poor ng ating bayan, kapanalig, ay nasa mga sakahan ng ating bayan. Kaya’t panahon na upang ang ang kanayunan naman ang ating gawing sentro ng kaunlaran.
Kubang-kuba na ang ating mga magsasaka, kapanalig, sa kakayod, at habang dumadaan ang panahon, tila ating minamaliit pa ang kanilang karangalan bilang source ng ating katiyakan sa pagkain.
Kailangan nating magkaroon ng paradigm shift, kapanalig. Unahin naman natin ang magsasaka. Ang kanilang pagbangon hindi lamang sa COVID-19, o sa mga bagyo at tagtuyot na dumaan, at sa mga di-patas na polisiya na lalong nagpapahirap sa kanila, ay pagbangon din ng buong bansa. Mahalagang magawa natin ito, dahil ayon nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity.
Sumainyo ang Katotohanan.