451 total views
Mga Kapanalig, inamin ng dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na pabor siyang ibaba ang minimum age of criminal responsibility (o MACR) dahil iyon daw ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte. Dagdag pa niya, ang agenda raw niya bilang House Speaker ay ang agenda ng pangulo.
Nitong nakaraang linggo, nakita natin kung paano minadali ng mga kaalyado ng pangulo, sa pangunguna nga ni Speaker Arroyo, ang pagpasá ng panukalang batas na ituturing nang kriminal ang mga batang 12 taóng gulang na nasangkot sa karumal-dumal na krimen. (Ang gusto pa nga nila noong una ay ibaba pa ito sa 9 na taóng gulang.)
Nakakadismaya at nakagagalit ang ganitong pangangatwiran ng pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Habang hindi napapagod ang mga grupong tutol sa panukalang batas na magpaliwanag sa publiko kung bakit mali ang ibabâ ang MACR at magpakita ng mga datos at ebidensyang susuporta sa kanilang posisyon sa isyu, narito ang mga mambabatas nating lantarang sinasabing ang mas mahalaga para sa kanila ay ang masunod ang gusto ng pinakamataas na lider ng pamahalaan.
Dapat sigurong ipaalala kay Ginang Arroyo ang pangako niya sa mga batang taga-Payatas na nagpadala sa kanya ng mga sulat na ginawa nilang mga bangkang papel na ipinaanod sa Ilog Pasig hanggang makaabot ang mga ito sa Malacañang. Iniharap niya ang mga batang ito sa kanyang unang SONA noong 2001 bilang simbolo raw ng kanyang pamamahalang may malasakit sa mahihirap. Bibigyan raw niya sila ng pagkakataong magkaroon ng maayos na buhay, na ginawa niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng scholarship. Labing-walong taon ang nakalipas, nanguna ang dating pangulo sa pagsusulong ng isang batas na mag-aalis sa mga batang napagkaitan na nga ng pagkakataon sa buhay, mapagkakaitan pa ng pagkakataong magbagong-buhay. Ginawa niya ito upang sundin ang kapritso ng pinagkakautangan niya ng kanyang kalayaan.
Ang nangyaring ito sa isyu ng MACR ay isa lamang sa mahabang listahan ng mga patunay na wala na talagang checks and balances sa kasalukuyang administrasyon. Tumutukoy ang checks and balances sa prinsipyo ng pamamahala kung saan ang magkakaibang sangay ng pamahalaan ay binabantayan ang isa’t isa upang walang umabuso sa kanilang kapangyarihan. Magkakapantay ang mga sangay na ito—ang ehekutibo na pinamumunuan ng pangulo, ang lehislatura na pinamumunuan ng House Speaker at Senate president, at ang hudikatura na pinamumunuan ng Punong Mahistrado o Chief Justice. Mahalagang nagtutulungan ang mga sangay na ito ngunit lagi silang dapat kritikal sa isa’t isa—hindi upang siraan ang isa’t isa—kundi upang makita at marating ang pinakamainam na patakaran para sa kanilang pinaglilingkuran: ang taumbayan. Hindi ito nangyayari kung kumikilos ang ibang sangay upang panigan ang isang sangay—ganito ang nangyayari sa atin ngayon.
Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, ganito ang sinabi ni Pope Leo XIII: “Rulers should… anxiously safeguard the community and all its members… the object of the government of the State should be, not the advantage of the ruler, but the benefit of those over whom he is placed.” Dapat na pinapangalagaan ng ating mga pinuno ang bayan at ang mga bumubuo nito. Ang tuon ng pamahalaan ay ang kapakanan ng mga pinamumunuan, hindi ang kapakinabangan ng mga namumuno. Sa isyu ng panukalang batas na ibababà ang edad ng kriminal na pananagutan, masasabi ba nating naipakita ng ating mga mambabatas na kapakanan ng bayan ang kanilang isinaalang-alang? Nasagot na ito ni Speaker Arroyo.
Mga Kapanalig, ang mabilis na pagkakapasa sa Kongreso ng panukalang ibabâ ang MACR ay patunay na mapanganib ang isang pamahalaang walang checks and balances. Ano kaya ang isusunod nilang panukalang batas na ipapasá upang mapasaya ang pangulo?
Sumainyo ang katotohanan.