186 total views
Umaapela ng pagdarasal ang Archdiocese of Palo matapos maranasan ang magnitude 6.5 na paglindol sa kanilang lalawigan.
Sa panayam ng Radyo Veritas kay Rev. Fr. Alcris Badana, Rescue and Rehabilitation Unit Director ng Archdiocese of Palo, sinabi nito na kailangan nila ngayon ng pagdarasal dahil sa epekto ng panibagong kalamidad sa buhay ng mga taga-Leyte.
Aminado si Fr. Badana na sariwa pa sa alaala ng mga residente ang naging pinsala ng bagyong Yolanda sa kanilang mga buhay kaya’t hindi maiaalis sa mga ito ang mangamba at mag-alala dahil sa naganap na paglindol.
“Unang-una po of course we should continue to pray especially po those [who] have been affected kasi as of this time parang confirmed na may 6 na po na casualty out of the earthquake, so let’s pray for those families [that] have been affected by these and of course let us encourage one another na magtulungan tayo.” apela ni Father Badana sa Radio Veritas
“Kasi na-observe ko kanina ay [when] I went to Kalangga, yung mga tao affected talaga medyo ano pa sila worried. We look forward na makarecover din ano kasi after Yolanda ito na naman, but then we try to continue.” Dagdag pa ng Pari.
Samantala hinimok din ni Fr. Badana ang publiko lalo na ang mga aktibo sa Social Media na maging mapanuri sa mga balita na lumalabas sa Internet. Giit ng Pari dapat tiyakin na tama ang mga binabahagi na impormasyon at iwasan maghatid ng takot sa publiko lalo na’t buhay at kaligtasan ang nakataya dito.
“I would really suggest to please try to be ano cautious listening to News kasi maraming mali-maling impormasyon po, so let’s try to get the real source that give us the true and correct information kasi minsan it creates panic.”apela ni Fr. Badana.