165 total views
Kumpiyansa ang Department of Tourism na malaki ang maitutulong ng isasagawang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Pampanga sa pagpapalago ng turismo ng Pilipinas.
Bukod sa iwas-trapiko, inihayag ni DOT Assistant Secretary for Public Affairs, Communications and Special Projects Ricky Alegre na isang magandang pagkakaton ang pagsasagawa ng taunang pagtitipon sa labas ng Metro Manila upang Makita rin ng ibang mga delegado ang natatanging ganda ng bansa sa panibagong perspektibo.
“Lahat ng arrivals magaganap sa Clark so it’s a good factor that helps us make it more convenient for the delegates and for the residents of Metro Manila. It is also a good way of promoting kasi balita namin na may mga senior leaders will stay after the summit because they want to see certain destinations at inihahanda natin yun para sa kanila,” ani Alegre.
Dahil sa mga naunang pagpupulong ng ASEAN leaders na isinagawa rin sa Pilipinas, naniniwala si Alegre na mas dadagsain pa ang bansa ng mga turista mula sa sampung member-state ng ASEAN hanggang sa susunod na taon.
“Inaasahan natin na dadami pa ang dadating na mga ASEAN residents in 2018 dahil nakita na ng leaders nila ang kagandahan ng Pilipinas,” pahayag ni Alegre.
Sa tala ng Tourism Department, umabot na sa apat na milyon ang kabuuang bilang ng mga turista na bumista sa bansa mula Enero hanggang Agosto 2017.
Kaugnay nito nangunguna pa rin ang South Korean nationals bilang pangunahing turista na bumisita sa Pilipinas noong nakaraang taon na may 1.3 milyon habang 600-libo naman ang mga Chinese nationals.
Sa inilabas na World Tourism Day 2017 Message ng Vatican, kinilala ni Prefect of the Dicastery for Promoting Integral Human Development Cardinal Peter Turkson ang kahalagahan ng turismo sa pagpapaunland ng ekonomiya at pagsugpo ng kahirapan sa bawat bansa.