99 total reads
“Pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, sa daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu.” (Exodo 18:21)
Mga minamahal kong bayan ng Diyos ng Bikaryato ng Taytay,
Pagpalain kayo ng Diyos! Malayo-layo pa ang national election ng 2028 pero ito ay dapat na nating paghandaan. Tayo po ay isang demokrasya. Ang namumuno sa atin ay mga taong ating pinili sa pamamagitan ng halalan. Kaya seryosohin po natin ang pagpili ng mga mamumuno sa atin kasi magpapailalim tayo sa kanila sa susunod na tatlo o anim na taon.
Isang malaking kahinaan ng ating sistema sa politika ay ang political dynasty. Ito ay ang magkasabay o magkasunod na pamumuno ng mga tao na nabibilang sa isang pamilya lamang. Ang political dynasty ay isang dahilan ng korapsyon sa pamahalaan. Ang magkapamilya ay nagkakatakipan nga kanilang ginagawa. Ang pamilya nila ang nakikinabang sa katiwalian at ayaw nilang mabisto ang kamag-anak nila. Sa political dynasty ang mas binibigyan ng halaga ay hindi ang kapakanan at interes ng taong bayan kundi ng kanilang pamilya. Sa ngayong po 83 percent of senators, 80 percent of House representatives, 87 percent of provincial governors, and 75 percent of city mayors ay nabibilang sa political families. Ang mga pamilyang ito ang nagpapatakbo ng ating bayan, kaya maraming korapsyon at pandaraya. Nakita na ng gumawa ng ating Saligang Batas ang kasamaan ng political dynasties noong 1987 – mga apatnapung taon na noong ipahayag ng ating Saligang Batas. Kaya inuutusan ang ating mga mambabatas na gumawa ng batas laban sa political dynasty. Hindi ito ginawa ng kongreso at senado sa loob ng apatnapung taon kasi marami sa kanila ay nabibilang sa political dynasty at nakaupo sa iba’t-ibang posisyon ng pamahalaan ang kanilang mga kamag-anak.
Pero hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Ang ayaw gawin ng ating mambabatas, tayo na ang gagawa. May probisyon sa ating konstitusyon na ang taong bayan mismo ay direktang makakagawa ng batas na hindi na dadaan sa kongreso at hindi mapipigilan ng presidente. Ito ay ang PEOPLE’S INITIATIVE. Dapat makakuha tayo ng tatlong porsyento ng botante sa bawat political districts na sumusuporta sa ating panukalang batas. Kung ito ay makukuha natin, magkakaroon ng plebesito sa buong bansa, at kung makakakuha tayo ng 10 percent ng lahat ng botante sa buong bansa, magiging batas na ito na hindi mapipigilan ng kongreso man o ng presidente.
May isinusulong ngayon ang maraming grupo, kasama na ang Simbahang Katolika, na People’s Initiative laban sa Political Dynasty. Ito ay ang “DAPAT ISA LANG.” Hindi ito tulad ng panukalang batas na nasa kongreso ngayon na dahil sa ito ay gawa ng mga politiko na nabibilang sa political dynasty, ito ay malabnaw at hindi talagang tatanggal ng magkasunod-sunod na pamumuno ng isang pamilya. Sa DAPAT ISA LANG, hindi maaaring magkasabay o magkasunod-sunod ang panunungkulan ng mga tao na nabibilang sa isang pamilya, hanggang 4th degree of consanguinity. Ibig sabihin, na ang mga kamag-anak hanggang sa magpinsan ay hindi pwedeng sabay o magkasunod na manungkulan sa pamahalaan.
Mayaman sa talento at galing ang mga Pilipino. Bigyan natin ng pagkakataon ang mas marami na maglingkod sa bayan. Ang paglilingkod ay hindi monopolyo ng ilang pamilya lamang. Kung wala nang political dynasty at kung talagang gustong maglingkod sa bayan ang mga may pera, gagamitin nila ang kanilang yaman upang makatulong sa taong bayan at hindi upang manatili sila sa puwesto sa pamahalaan.
Hindi po tayo magiging mabuting kristiyano kung hindi tayo mabuting mamamayan. Ang mabuting mamamayan ay bumoboto nang maayos at nagsisikap na maging maayos ang sistema ng halalan sa ating bansa. Suportahan po natin ang DAPAT ISA LANG. Magpa-register tayo sa tulong ng may alam sa computer sa ating mga parokya at mission station, at bumoto tayo sa people’s initiative na ito. Sana pagkalooban tayo ng Diyos ng mga mabubuti at maaasahang mga tao na mamamahala sa atin at hindi na ang mga dating pamilya at dating mga mukha na lamang.
Ang inyong kapwa mamamayang Pilipino,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
Ika-25 ng Oktubre ng taong 2026




