558 total views
Homiliya para sa Gabi ng Huling Hapunan, 6 Abril 2023, Juan 13:1-15
Noong buháy pa si Mother Teresa ng Calcuttta, minsan gusto daw siyang interbyuhin ng isang journalist. Sabi ng madre, “Kung gusto mong malaman ang gawain namin, ba’t di ka sumama sa akin. Huwag ka munang maglitrato o magtanong. Magmasid ka lang.”
Sumunod daw ang journalist, at sa isang lugar habang hinuhugasan ni Mother Teresa ang mga paa ng isang matandang pulubi na puno ng sugat na nagnanaknak, nilalangaw at inuuod, hindi daw nakayanan ng dayuhan, nagtatakbo siya sa isang sulok at nagsuka.
Nang bumalik na sila sa kumbento para sa interbyu, ang sabi daw niya, “Sorry I threw up just watching what you were doing. My God, I’ll never do that even for a thousand dollars.” Ngumiti daw si Mother Teresa at ang sabi niya, “Oh, I won’t do it either for money, not even for a million dollars. I can only do it for love.”
Isang Huwebes Santo, may hinugasan akong paa ng isang dating parishioner ko. Pagkatapos ng Misa, lumapit siya sa akin at sinabi niya, “Bishop, pasensya na po at inatras ko yung paa ko kanina. Akala ko kasi huhugasan lang ninyo ang mga paa namin; malay ko bang hahalikan din ninyo.”
Kaya pala nang yuyuko ako para halikan ang paa niya, biglang inatras niya! Pero nang ibigay niya umiiyak na siya. Sabi niya, “Kasi naman ho, wala pa yatang humalik sa paa ko sa tanang buhay ko—kahit asawa o anak ko pa. Ngayon obispo pa. E kahit gaano ako kahirap hindi yata kakayanin ng sikmura ko na halikan ang paa ng kahit na sinong tao.”
Sabi ko sa kanya, “Mali ka, mayroon nang humalik sa mga paa mo, hindi mo lang maalala. Noong baby ka pa, sigurado akong hinalik-halikan ng nanay at tatay mo di lang mga paa mo, kundi pati talampakan at kilikili mo habang humahalakhak ka. Kasi mahal ka nila.”
Napakaganda ng simula ng ebanghelyo tungkol sa paghuhugas ng paa at pagsasalo ng huling hapunan ayon kay San Juan. Sabi niya, “Mahal na mahal ni Hesus ang mga alagad niya; at ipinakita niya ang pagmamahal niya hanggang katapusan.” Ibig sabihin, hindi niya ginawa ang ginawa niya nang gabing iyon para sa pera, o para purihin siya, o para tuparin lang ang isang obligasyon. Ginawa niya dahil sa pag-ibig. He did it only as an act of love.
Binalikan ko iyung lyrics ng isang love song na ang title ay WHAT I DID FOR LOVE. Parang ganoon din pala ang sinasabi. Sabi niya,
“Kiss today goodbye, the sweetness and the sorrow. Wish me luck, the same to you. But I won’t regret what I did for love, what I did for love.”
“Kiss today goodbye and point me toward tomorrow. We did what we had to do… won’t forget, can’t regret what I did for love.” Sa Tagalog, “Halikan mo ng paalam ang ngayon at ituro sa akin ang bukas. Ginawa natin ang dapat gawin. Walang paglimot at walang pagsisisi sa lahat ng ginawa ko sa ngalan ng pag-ibig.”
Bakit daw? Sabi niya “Love is never gone. As we travel on, Love’s what we’ll remember.“ Sa Tagalog “hindi nawawala ang pag-ibig; sa paglalakbay natin ito lang ang tatandaan natin.”
Paano ba natin lilimutin na ang tinatawag nating Guro at Panginoon, nang huling makasalo siya sa hapunan, siya pa ang naghugas ng paa ng kanyang mga alagad? Pero hindi niya ginawa iyon bilang alipin. Ginawa niya bilang Panginoon, bilang Diyos na nagpapahayag ng pakumbaba at walang hanggang pagmamahal, bilang tanda ng dalisay na pag-ibig.
Ito ang iniwan niyang habilin na gusto niyang tandaan nating lahat. Kaya sinabi niya, “Do this in memory of me.” (Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.) Alaala ng walang hanggang pag-ibig niya sa atin. Paano nila malilimutan ang hapunang iyon? Isang kakaibang pagsasariwa ang ginawa niya sa unang gabi ng Paskwa ng Bayang Israel sa Egipto, nang gabing dumaan ang anghel ng kamatayan upang patayin ang lahat ng mga panganay sa lahat ng mga kabahayan maliban sa mga may nakapintang dugo ng kordero sa hamba ng kanilang mga pintuan. Siya pala ang magiging kordero, ang dugo lang niya ang makapipigil sa anghel ng kamatayan. Katawan at dugo niya ang kapalit ng kanilang katubusan.
Noon pala sa huling hapunan unang nangyari tinatawag ngayon na i-sharon: “Balutin mo ako sa hiwaga ng iyong pagmamahal.” Para bang ibinalot niya ang mga mahal niya sa mga bisig niya habang dumadaan ang anghel ng kamatayan. Di ba parang ganyan ang ginawa ng isang ina doon sa Turkey noong nangyari ang malakas na lindol. Tinakpan niya ng katawan niya ang sanggol na nakabalot sa bisig niya. Nang mahukay ang nanay, patay na siya. Pero ang sanggol, buhay siya. Ligtas. Iningatan siya ng ina hanggang wakas, binalutan ng katawan niyang nagkalasog lasog at namatay upang mabuhay ang mahal niya.
Kaya binabalik-balikan natin ang Huling Hapunan. Noon kasi nangyari ang pinakamatinding pakikipagtuos ng Anak ng Diyos kay Satanas. Itinaya niya ang lahat dahil wala siyang ibig mawala kahit na isa sa kanila. Di ba ito ang paulit-ulit nilang narinig sa bibig niya, ayon kay San Juan? Sa Juan 6:30, “Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na walang mawawala ni isa sa mga pinagkaloob mo sa akin.”Gayundin sa Jn 10:28, “Walang makakaagaw ng kahit na isa sa kanila mula sa aking mga kamay.” At sa Jn 18:19, “Walang nawala ni isa sa mga pinagkaloob mo sa akin.”
Ito ang punto ko kahapon nang sabihin kong ang unang Eukaristiya ay hindi para sa mga banal at matuwid, kundi para sa mga makasalanang tulad ni Hudas, tulad natin.
Bago pa pumasok si Satanas kay Hudas, naunahan na siya ni Hesus. Naibigay na sa kanya ni Hesus ang Eukaristiya. Binalutan na siya. Sa Eukaristiya, ang mensahe ni Hesus kay Satanas ay ganito: pilitin mo mang agawin sa akin ang sinuman sa mga minamahal ko hindi mo kakayanin. Hindi mo sila maaagaw dahil ibinigay ko na ang buhay ko bilang pantubos sa kanila.
Ang gabing ito ng hapunan ng Paskwa ang huling yugto ng pagtutuos nila ni Satanas. Tatalunin niya ang dimonyo. Paano? Huhugasan niya ang kanilang mga paa (kasama na rin ang kay Hudas), at bibigyan niya sila ng tinapay at alak bilang paunang pagbibigay niya ng kanyang katawan at dugo sa krus. Hindi tayo maaagaw ni Satanas sa Diyos dahil sa Sakramentong bumabalot sa atin sa pag-ibig ni Kristo.