5,268 total views
BLOOD COMPACT
Homiliya para sa Kapistahan ng Corpus Christi, 2 Hunyo 2024
Markos 14:12-16, 22-26
Sa America, lalo na noong bago nag-pandemya, sanay sila sa double species na communion sa Misa. Bukod sa ostia, umiinom din sila sa konsagradong alak. Sayang hindi natin nakasanayan ito sa Pilipinas, sa kabila ng kultura natin sa pagtagay sa inuman. It’s good to be reminded of the two components of the Eucharist—not just the Body but also the Blood; Corpus et Sanguinis Christi, katawan at dugo ni Kristo. Kung nakinig kayong mabuti sa binasang ebanghelyo tungkol sa huling hapunan ayon kay San Marcos, marahil napansin ninyo na mas mahaba pa ang sinabi ni Jesus tungkol sa dugo kaysa sa sinabi niya tungkol sa katawan.
Sa parte tungkol sa tinapay—ganito lang ang sinabi: “Tanggapin ninyo ito at kanin; ito ang aking katawan.” Pero sa parte tungkol sa alak, mas mahaba ang sinabi niya: “This is my blood of the new covenant, which will be shed for many. Amen I say to you, I shall not drink again the fruit of the vine until the day when I drink it new in the Kingdom of God.” Maikli lang ang tungkol sa tinapay; ang mas mahaba ay ang sinabi niya tungkol sa alak na tinawag niyang dugo ng bagong tipan. Ito ang pagnilayan natin.
Sa sinabi ni Jesus nang ibigay niya ang kalis ng alak, parang “Blood Compact”, o “Sanduguan” ang pumasok sa isip ko. Alam natin ang ibig sabihin nito. Tiningnan ko ang depinisyon sa Ingles ng blood compact. Heto ang sabi; “It is a traditional ritual and symbolic compact of friendship or peace treaty that was practiced by indigenous tribes before the arrival of the Spanish colonizers in the 16th century in these islands that were later called the Philippines. The term “Sandugo” is a Visayan word that means “one blood”, “SANDUGUAN” sa Tagalog.
Sa isang Sanduguan, pumapasok sa isang kasunduan ang dalawang panig. They would make small cuts or incisions on their arms, collect a small amount of blood, and mix it with coconut or rice wine or water. Then they would drink the mixture as a sign of unity, friendship, or agreement. The statement is plain and simple: “Now we are family. There shall be no more wars between our peoples, because we are one blood.”
Can you imagine what the first Mass at Limasawa more than 500 years ago now must have meant to the natives who participated in it? When the priest lifted the chalice and said the words of consecration, they must understood it as a very unique kind of SANDUGUAN, not between two tribes but between Bathala and Tao. Ang dugo ni Kristo ay SANDUGUAN ng Diyos at Tao.
Sa ating first reading, bilang tanda raw ng pagpapatibay ng tipanan sa pagitan ng Diyos at Israel, hinati daw ni Moises ang dugo ng kinatay na hayop—ang kalahati nito ay ibinuhos sa altar, ang kalahati ay iwinisik sa bayan. Ibig sabihin: ang Si Yahweh at ang bayang Israel ay magkadugo, iisang pamilya na.
Sa second reading, ayon sa manunulat, hindi na dugo ng hayop kundi ang sariling dugo ni JesuCristo ang nagsilbing simbolo ng Bagong Pagtitipan. Sa kanya, ang Diyos at Tao ay naging iisang persona. At ang umiinom ng kanyang dugo ay nagiging kadugo, kapwa tagapagmana ng Kaharian, katulad ni Cristo, handa na ring magbuwis ng sariling dugo.
May negative reaction kasi ang awtor ng sulat sa mga Hebreo sa walang katapusan at paulit-ulit daw na pagpapadugo na ginagawa ng mga sacerdote sa templo alang-alang sa Dios. Wala daw itong katuturan dahil ang paring nagpapadugo at ang handog na pinapadugo ay magkahiwalay. In English, one might call the kind of image of God that it projects as that of a bloodthirsty God. Parang Dracula ang naiisip ko pag nababanggit ang salitang Ingles na “bloodthirsty”. Parang ganoon ang ginawang caricature ng mga sinaunang sakripisyo ayon sa ating second reading.
Ang kabaligtaran ng “bloodthirsting a-la Dracula ay “blood-letting” a-la Rosa Rosal na director ng Red Cross. Bloodletting ang tawag natin sa blood donation, ang pagbubuhos ng sariling dugo para magligtas ng buhay. “THIS IS MY BLOOD OF THE COVENANT, WHICH WILL BE SHED FOR MANY.”
Siguro narinig na ninyo ang minsa’y sinabi ng isang dating senador bilang reaccion niya sa ating pambansang awit, ang Lupang Hinirang. Bakit ganoon daw ang huling linya ng ating himno nacional: “ANG MAMATAY NG DAHIL SA IYO.” ? Ang suggestion daw niyang ipalit dito ay ANG IPAGLABAN ANG KALAYAAN MO. Naisip ko, siguro ang gusto niyang ipalit ay “ANG PUMATAY NANG DAHIL SA IYO”. Ang kabayanihan ay walang kinalaman sa obsession na pumatay para mailigtas ang bayan. Ito ay tungkol sa pagiging handang magbuwis ng sariling buhay (hindi ng buhay ng iba). Marami pa ring mga Dracula sa mundo—mga tipong uhaw sa dugo, mahilig sa patayan. Imbes na blood-letting, blood thirsting ang gusto. Walang kinalaman iyon sa Eukaristiya.
Nabanggit ko kanina na may pangalawang parte pa sa sinabi ni Hesus tungkol sa dugo ng bagong tipan. May layunin daw ito. The goal is to bring about the Kingdom of God: of justice, peace and the integrity of creation. Kaya siguro nauso ang TOASTING sa mga inuman. Toasting has to do with the practice of expressing our wishes for each other before drinking wine or any spirited drink. Sa mga Judio: “LACHAYIM!” (To Life), parang Pinoy “MABUHAY!”. Sa mga Espanyol: “SALUD!” (To health!) Sa Germans “PROSIT!” (May it be good for you! May you prosper!)
Parang ganoon din pala ang ginawa ni Jesus sa huling hapunan nang ipasa niya ang kalis ng dugo ng bagong tipan: ipinahayag niya ang kanyang pangarap katulad ng sinabi niya sa Ama Namin: “mapasaamin ang kaharian mo.” Walang kwenta ang pag-inom natin ng Kalis ng Bagong Tipan kung hindi natin tinototoo ang layunin ng Sanduguan—ang pagpapalaganap ng katarungan at kapayapaan, ng bagong langit at bagong lupa na pangarap natin at pangarap din ng Diyos para sa atin.