246 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang taóng 2017 bilang Taon ng Parokya. Ito ang ikalima sa siyam na taóng paghahanda natin para sa ika-500 Taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ipagdiriwang sa 2021.
Minabuti ng ating lokal na simbahang bigyang pansin ang parokya bilang bukluran ng mga maliliit na pamayanang nakikilahok sa misyon ng Simbahan. At ano ang misyong ito? Ito ay ang misyon mismo ni Hesus: ang pagpapahayag ng Kanyang pagliligtas sa atin tungo sa Kaharian o Paghahari ng Diyos. Sa katuruan ng ating Simbahan, ang Simbahan ay hindi lamang may misyon na ihayag ang paghahari ng Diyos sa mundo kundi ito rin ay nagsisilbing binhi at pagsisimula ng Paghaharing ito.
Hindi ba’t napakaganda ng katuruang ito, mga Kapanalig—na ang inaasam-asam nating pagsisimula ng paghahari ni Kristo ay narito na sa atin ngayon mismo sa pamamagitan ng mahal nating Simbahan? Napakalapit sa atin ng paghahari ni Kristo, sapagkat ang pahahari Niya ay nabibigyang-buhay at katunayan sa buhay ng ating mga parokya.
Sa pagtatalaga ng Taon ng Parokya, binibigyang-pansin ng ating simbahan ang pagiging pamayanan at pagiging samahan ng mga komunidad ng ating mga parokya. Ang parokya ay hindi lamang para sa mga naglilingkod sa simbahan. Hindi ito para lamang sa mga madalas magsimba at tumanggap ng mga sakramento. Ito ay para sa lahat ng mga binyagang Katoliko. Lahat tayo ay inaanyayahang makiisa at magbuklud-buklod bilang pamayanang nananampalataya at nabubuhay ayon sa turo at halimbawa ng ating Panginoon.
Ngunit paano nga ba tayo nagiging bahagi ng pamayanang tinatawag nating parokya? Paano natin maaring ihayag ang paghahari ni Kristo bilang pamayanan sa loob ng parokya? Sinasabi ng ating Simbahan na ang paghahayag niya ng Paghahari ni Kristo sa mundo ay nakalapat sa kongkretong sitwasyon ng lipunan at sa buhay ng mga tao rito. Nakalapat ito sa pang-araw-araw na buhay natin bilang mga magulang na nahihirapan makahanap ng trabaho; bilang mga bata o kababaihang maaring nakararanas ng pang-aabuso; bilang mga magsasaka o manggawang banát na banát na ang mga buto ngunit hiráp pa ring maitaguyod ang ating pamilya; at bilang mga nalululong sa mga ipinagbabawal na gamot at ngayon ay inuusig ng lipunan.
Oo, mga Kapanalig, ang ating mga parokya, bilang pamayanan, ay kailangang ipahayag ang paghahari ni Kristo sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa isa’t isa at pagtatanggol sa buhay at dignidad ng bawat tao. Mahirap gawin ito kung ang mga Katoliko ay titindig lamang bilang mga indibidwal. Subalit kung tayo ay titindig bilang mga pamayanan, sa loob ng mga parokya ng ating Simbahan, may kakaibang lakas at kapangyarihan ang ating paghahayag ng Paghahari ni Kristo.
Pagbubuklod ng mga pamayanan, sa loob ng mga parokya—ito ang nais ng ating Simbahan na ating pagtulungang palakasin sa Taon ng Parokya. Higit na makahulugan ito sa kasalukuyang panahon sa gitna ng maraming panlipunang usapin na kinakaharap ng ating bansa. Nariyan ang isyu ng mga extra-judicial killings, na kamakailan ay unti-unti nang naiuugnay sa katiwalian sa loob mismo ng kapulisan. Nariyan ang nakaambang pagbabalik ng parusang kamatayan at pagpapababa ng edad kung kailan maaring makasuhan at makulong ang isang tao na pinapanukalang ibabâ sa siyam na taong gulang mula sa kasalukuyang labinlimang taon. Sino ang pinakamaaapektuhan ng mga batas na ito? Ang mga mahihirap, mga Kapanalig. Paghahari kaya ito ni Kristo kung matuloy ang pagsasabatas ng mga panukalang ito?
Ang mga parokya, bilang bukluran ng mga Kristyanong komunidad, ay hindi maaring magsawalang-kibo sa gitna ng mga pangyayaring ganito sa ating lipunan. Una sa lahat, sikapin nating buuin ang buhay-komunidad sa ating parokya. Dito natin isabuhay ang pagiging tunay na magkakapatid natin, nagmamalasakit, nagpapakita ng awa at pagpapatawad, at nagbibigay ng pag-asa.
Sumainyo ang katotohanan.