228 total views
Pinayuhan ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag talikuran ang obligasyon na magmalasakit at tulungan ang ibang Filipino illegal immigrants sa Estados Unidos.
Ayon kay Bishop Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, bilang ama ng bansa tungkulin ng Pangulo na tulungan ang mga undocumented immigrants sa Amerika matapos ipatupad ang bagong immigration policies ni US President Donald Trump.
Iginiit ni Bishop Santos na dapat iwasan ng Pangulo ang pagpapahayag ng mga salita na maaring maka – apekto sa damdamin ng mga Overseas Filipino Workers na malaki ang nai-aambag sa pagsigla ng ekonomiya ng bansa.
“Bilang ama (Pangulong Duterte) ng Pilipinas, bilang ama ng mga Pilipino, ipakita natin ang pagiging Pilipino, tulungan natin sila sa abot ng ating makakaya. Hindi naman tayo nangangako na tayo ay magiging tagapagligtas at magagawa natin ang lahat pero at least handa tayong dumamay na dapat tayong tumulong at ipakita natin ito ang puso ng Pilipino talagang tumutulong at hindi nang – iiwan hindi nagpapabaya sa kanilang kapwa Pilipino.”pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na ang halos 1.8 milyong Pinoy immigrants sa Amerika ang pangunahing pinanggagalingan ng mga dollar remittances sa Pilipinas kung saan noong 2016 nasa mahigit 8 bilyong dolyar ang naipadala nila sa bansa sa pamamagitan ng US financial system na nagpapasigla ng ekonomiya ng Estados Unidos.
Samantala, nauna na ring nagpahayag ng tulong si Los Angeles Archbishop Jose Gomez sa Office of Government and Community Relations na gumawa ng special website na naglalaman ng mga mahahalagang kaalaman ukol sa immigration.