17,935 total views
Sisikapin ng Kanyang Kabunyian Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David na patuloy maging tinig ng Diyos sa sangkatauhan.
Ito ang mensahe ng cardinal kasunod ng ginanap na consistory sa Vatican nitong December 7 kung saan kabilang ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa 21 bagong prinsipe ng simbahan.
“I identify with my namesakes, Paul and David— servants of God’s Word. Like them, I strive to allow only God’s voice to be heard through my unworthy self,” ayon kay Cardinal David.
Ikinalugod ng mananampalataya ng Kalookan ang pagkahirang na cardinal ng kanilang pastol na tanda ng pagtitiwala ng santo papa sa kakayahang pangasiwaan at ipastol ang mahigit isang milyong kawan.
Kasabay ng paggawad ng red hat sa mga bagong cardinal ng simbahan nagsagawa ng prayer vigil ang mananampalataya sa San Roque Cathedral para sa natatanging intensyon ni Cardinal David.
“This milestone highlights Bishop Ambo’s dedicated pastoral service and marks his appointment to serve the universal Church as the 10th Filipino Cardinal, a great source of joy for the Philippine Church,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Una nang sinabi ni Cardinal David na bukod tanging mga panalangin lamang ang kanyang sandata sa pagpapatuloy ng kanyang misyon sa simbahan lalo na ang nakagawiang ‘Coffee with Jesus’ at Rosary Walk with Mama Mary’ na nagbibigay lakas sa gitna ng mga hamong kinakaharap.
Napiling episcopal motto ng cardinal ang ‘Kenosis’ batay sa isinasaad sa Philippians 2:1-11 na pagiging bukas sa sarili upang yakapin at isabuhay ang Paschal Mysteries.
Dumalo rin sa isinagawang consistory ang mga Filipino Cardinals na sina Cardinals Luis Antonio Tagle, Jose Advincula at Orlando Quevedo.
Si Cardinal David ang ika-10 Pilipinong cardinal at ikatlong cardinal electors ng Pilipinas kasama sina Cardinals Tagle at Advincula habang sina Cardinals Quevedo at Gaudencio Rosales naman ay hindi na makaboboto dahil lampas na ito sa 80 taong gulang.
Ang Diocese of Kalookan ay kasalukuyang may 30 mga parokya, 20 mission stations at dalawang Quasi Parish.