198 total views
Umaapela ang kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mananampalataya na makilahok sa ginagawang Alay Kapwa 2016 telethon sa Radyo Veritas ngayong panahon ng kuwaresma at taon ng awa at habag.
Ayon kay Cardinal Tagle na siya ring presidente ng Caritas Internationalis, ito ang tamang panahon na isabuhay ang ginawa ni Hesus na nag-alay sa atin ng buhay.
Inihayag ni Cardinal Tagle na bahagi ng ating esperitwalidad na tularan si Hesus na mag-alay ng sarili, ng panahon at yaman upang makatulong sa kapwa.
“Alam po nating lahat na tuwing kwaresma atin pong isinasabuhay ang ginawa ni Hesus na pagdamay sa ating lahat, pagdamay na umuwi sa kanyang pag-aalay hindi lamang ng ilang mga bagay para sa atin kundi pag-aalay ng buhay. Kaya po bahagi ng ating esperitwalidad ay tularan si Hesus. Ang isang proyekto, ang isang programa ng simbahan para matularan siya ay itong tinatawag nating alay kapwa, pag-aalay ng buhay.”paanyaya ni Cardinal Tagle
Inihayag ng Kardinal na ang lahat ng nakakalap na donasyon ng Alay Kapwa ay nagiging pondo ng Caritas upang maitulong sa mga taong nagiging biktima ng ibat-ibang sakuna, tulad ng kalamidad, karahasan at iba pang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
“Tulad ng ginawa ni Hesus, pag-aalay ng oras sa paglilingkod, pag-aalay ng talino para sa kapakanan ng iba at pag aalay-din ng yaman at ito pong ating ginagawang telethon ay pakiusap sa lahat na una isipin at damhin ang mga kapataid nating nagdurusa lalu na dala ng mga sakuna sa buhay, bagyo, mga lindol at pati po ang mga sakuna na gawa nating mga tao, mga hidwaan, mga giyera, ang mga nawawalan po ng bahay na lumilikas. Ang nalilikom po na donsayon sa alay kapwa ay nagiging pondo ng caritas para makatulong makatugon sa mga humanitarian relief efforts po ng ating mga kapatid na nagdurusa.”paanyaya ni Cardinal Tagle
Ang Alay Kapwa program ng Simbahang Katolika ay nagbibigay ng assistance para sa mga naapektuhan ng ibat-ibang kalamidad at social services sa mga mahihirap.
Isinasagawa ang programa tuwing kuwaresma para makalikom ng pondo.
Noong December 2015, ginamit ng Simbahan ang 3.6-milyong pisong Alay Kapwa funds para tugunan ang pangangailangan ng 57-libong mamamayan na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Nona.
TINIG NI :
Cardinal Luis Antonio Tagle