3,190 total views
Pinalakas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catachesis and Catholic Education ang panawagan sa mga mamamayan na suportahan ang programa ng Caritas Manila na Youth Servant Leadership and Education o YSLEP Program.
Ayon kay La Union Bishop Daniel Presto, Vice-chairman ng komisyon, ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mahigit limang libon kabataan na bahagi ng programa na magkaroon ng pagkakataon na makatapos sa pag-aaral.
Sinabi ng Obispo na ang YSLEP ng Caritas Manila ay mabisang paraan upang ang mga mahihirap na kabataan ay makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon.
“Atin po sanang suportahan ang donation drive ng Radio Veritas at Caritas Manila sa kanilang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP upang masuportahan ang pag aaral ng mga YSLEP scholars sa buong bansa na kumukuha/kukuha ng ibat-ibang college courses at technical-vocational courses para sa School Year 2023-2024, ang kahit kaunting maitutulong natin ay para sa ikakaganda ng kinabukasan ng mga kapatid nating financially-challenged.” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Noong nakalipas na linggo ay idinaos sa himpilan ng Radio Veritas ang 2023 YSLEP telethon na nakalikom ng 4.5 million pesos na gagamitin na pondo para sa pagpapaaral sa mga YSLEP scholars.
Sa mga nais pang magbahagi ay maaring makipag ugnayan sa Caritas Manila sa mga numero bilang 0-9-1-7-5-9-5-5-0-8-3.
Noong nakalipas na taon ng pag-aaral ay aabot sa 1,600 na mga mag-aaral sa kolehiyo at mga technical vocation course ang napagtapos ng Caritas Manila sa tulong ng YSLEP.