44,456 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Healthcare ang bawat isa na tuklasin ang Panginoon sa mga may karamdaman at humaharap sa mga pagsubok.
Ito ang paanyaya ni CBCP-ECHC executive secretary, Camillian Fr. Dan Vicente Cancino kaugnay sa pakikiisa ng simbahan sa paggunita sa World AIDS Day ngayong taon.
Ayon kay Fr. Cancino, na siya ring director ng Camillian Fathers HIV-AIDS Ministry, patuloy na nakakaranas ng diskriminasyon at kahihiyan sa lipunan ang mga mayroong HIV at AIDS o People Living with HIV (PLHIV), na nagiging balakid upang higit na maisulong ang pagtugon at pangangalaga sa mga apektado ng karamdaman.
“In other words, these people are left behind, they are marginalized and hidden,” pahayag ni Fr. Cancino.
Sinabi ng pari na patuloy na pinapaalala ng simbahan na ang mga maysakit ay mahalaga at lubos na minamahal ng Diyos kaya naman walang sinuman ang dapat isantabi tulad ng mga mahihina at mayroong HIV.
Iginiit ni Fr. Cancino na kailangan ng lahat na kilalanin, pahalagahan, suportahan, at palakasin ang PLHIV community upang patuloy na maitaguyod ang pagtugon sa paglaganap ng karamdaman sa bansa.
“Community-led services are key avenues in reaching people. Communities’ voice is needed in promoting a person-centered and rights-based HIV responses,” ayon kay Fr. Cancino.
Tagubilin naman ng pari sa mamamayan na patuloy na alalahanin at ipanalangin ang mga may HIV upang ganap na makamtan ang kagalingan at pagtanggap ng lipunan.
Gayundin ang pagsunod sa mga yapak ng Panginoong Hesus na ang kahabagan sa mga maysakit at mga mahihina ay kitang-kita sa kanyang buhay pag-ibig at pagpapala.
“Our response to all must be such that we discover Christ in them and they in turn are able to encounter Christ in us. Although this response undoubtedly arises in the context of religious faith, even those without faith can and must look beyond suffering to see the human dignity and goodness of those who suffer,” saad ni Fr. Cancino.
Tema ng World AIDS Day 2023 sa Pilipinas ang “Empowering Filipino Communities to Lead in the HIV and AIDS Response” upang kilalanin ang mga pagsisikap hindi lamang ng PLHIV community, kundi maging kasangkapan sa pagkakaisa ng iba’t ibang grupo upang isulong at paigtingin ang kamalayan hinggil sa HIV at AIDS.
Sa tala ng Department of Health mula Enero 1984 hanggang Hunyo 2023, umabot na sa 117,946 ang kaso ng HIV/AIDS sa bansa, habang mula 2010 hanggang 2022 naman ay tumaas ito ng 418 percent kung saan halos kalahati ng mga bagong kaso ay nasa edad 15 hanggang 24 taong gulang.