199 total views
Iginiit ng CHR o Commission on Human Rights na patuloy pa rin silang nakaantabay at nagmamatyag sa mga pangyayaring may kinalaman sa sinasabing extrajudicial killings sa bansa dahil sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Ayon kay CHR chairman Jose Luis Martin Gascon, ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pag-iimbestiga sa sitwasyon bagama’t hirap na makakuha ng detalye dahil takot ang mga kamag-anak ng mga biktima na magsalita at dahil sa dami na rin ng bilang ng kaso.
“Yung mga kamag-anak ay may takot, di makapagsalita nahihirapan ang mga imbestigador. Pangalawa, dahil sa dami, lampas 600 na ang insidenteng ganito, 600 lamang ang staff ng CHR sa buong Pilipinas, pero gagawin pa rin namin ang aming tungkulin,” pahayag ni Gascon sa Radyo Veritas.
Iginiit ng CHR chairman na kinakailangan pa ring pangalagaan ang karapatang pantao ng lahat maging ito ay biktima o suspek dahil ang lahat ay pinangangalagaan sa ilalim ng batas ng tao at ng batas ng Diyos.
“Dapat pangalagaan ang karapatan ng tao, karapatan ng lahat, ng mga biktima maging ng mga nasasakdal, kahit ikaw ay masamang tao dahil ikaw ay tao may karapatan ka ding dapat pangalagaan, kundi yan mapipigil darami pa ang mga tao yung kanilang karapatan malalabag, mandato ng Saligang Batas, pangalagaan ang lahat ng karapatan ng tao…makatao ang pagturing natin sa bawat isa.”
Samantala, sa latest data ng PNP, nasa 395 na ang napapatay mula lamang July 1 hanggang August 1 habang 5,251 ang naaresto.
Umaabot na sa 545,589 sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang boluntaryong sumuko.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang pagpatay lalo na at sinisentensiyahan nito ang mga indibidwal na nagkasala ng hindi dumaraan sa legal na proseso na isang paglabag sa kanilang dignidad at karapatan na mabuhay.