175 total views
Itinakda ng Archdiocese of Manila, katuwang ang Caritas Manila-Restorative Justice Ministy sa ika-23 ng Oktubre ang paglulunsad ng SANLAKBAY Tungo sa Pagbabago ng Buhay – ang community based rehabilitation para sa mga lulong sa ilegal na droga.
Ito ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng Prison Awareness Sunday.
Ang paglulunsad ay pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Manila Cathedral dakong alas-10 ng umaga.
Layon ng community based rehabilitation na tumulong sa mga drug addict na makapabagong buhay lalut hindi sapat ang mga pasilidad ng pamahalaan para kanlungin ang lahat ng mga nagsisukong mga lulong sa droga na umaabot sa 700 libo.
Inaasahang makikiisa sa programa ang 86 na parokya na nasasakupan ng arkidiyosesis.
Bukod sa Archdiocese of Manila, kabilang din sa katuwang sa programa ang Social Welfare Department, Interior and Local Government, Philippine National Police, Center for Family Ministries, Radyo Veritas, Universtiy of Sto. Tomas-Psycho Trauma Clinic at Center for Family Ministries (CEFAM).
Base sa datos, humigit kumulang sa 4 na milyon ang mga pusher at user ng ilegal na droga sa bansa.
Apat namang malalaking rehab centers ang ipapapatayo ng administrasyong Duterte sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Una na ring nanawagan si Cardinal Tagle na hindi sapat na mapasuko ang mga gumagamit ng droga, kundi kinakailangan ng mga ito na magbago kaakibat na rin ang pagbibigay sa mga ito nang mapagkakakitaan.
Sa pahayag ng Santo Papa sa United Nations noong Hunyo, hinikayat ng mga ito ang bawat pinuno ng bansa na bigyan tugon ang suliranin sa drug trafficking lalu’t kaakibat nito ang human trafficking, money laundering, bentahan ng mga armas, child exploitation at iba’t ibang uri ng katiwalian na bumibiktima higit lalo sa mga mahihirap.