178 total views
Mga Kapanalig, tinutukoy ng salitang “collateral damage” ang mga tao o bagay na natatamaan kahit ‘di sinasadya sa isang digmaan. Sa kasalukuyang digmaan laban sa droga, isang halimbawa ng collateral damage si Jefferson Bunuan, 20 taong gulang.
Isa si Jeff sa mga estudyanteng sinuportahan ng Kaibigan Ermita Outreach Foundation mula elementarya hanggang kolehiyo. Tahimik daw siya at magalang. Nag-aaral ng criminology. Volunteer ng Lambat Sibat, programa ng Philippine National Police na nagsisikap sawataín ang krimen. Pangarap niyang maging pulis.
Kinitil ng mga pulis ang pangarap na iyon noong ika-18 ng Hulyo.
Dahil siksikan sa kanilang tahanan pagkapanganak ng isang kapatid, nakitulog si Jeff at ang pinsang si Mark sa bahay ng isang nagngangalang Totong Manaois. Noong gabing iyon, sinilo si Totong ng mga pulis sa isang buy-bust operation.
Ayon sa kapatid ni Jeff, may ilang testigong nakarinig na sumusuko si Totong at nakikiusap na huwag idamay ang dalawang natutulog na kaibigan. Sumunod ang putok ng mga baril. Nang puntahan ng kapatid ni Jeff ang bahay ni Totong, nasa loob na ng body bag ang bangkay ni Jeff.
Sa kuwento ng mga pulis, nanlabán ang tatlo, isang paratang na hindi na nila masasagot. Ang natitiyak natin, patay na si Jeff, isang taong hindi napatunayang may kinalaman sa pagtutulak o paggamit ng droga.
Naglabas sa Facebook ang Kaibigan Foundation ng pagtutol sa pagpaslang kay Jeff. Nakalulungkot, mga Kapanalig, na maraming sumagot na si Jeff pa nga ang dapat sisihin sa pagkamatay niya. Iyan daw ang napapalâ ng pakikipagkaibigan sa mga adik. Masasabi rin kaya nila iyon kay Hesus na kinondena ng marami dahil sa pakikipagkaibigan sa mga makasalanan?
Sa mga komentong sumisisi at lumalait kay Jeff, makikita nating hindi lamang si Jeff ang collateral damage sa marahas na operasyon laban sa droga. Collateral damage din ang ating awa at habag, pagmamalasakit, pakikipagkapwa, pagpapahalaga sa buhay at katarungan.
Noong panahon ng diktadura, sa isang sama-samang sulat-pastoral na pinamagatang “Let there be life,” tinanong ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines:
How is it that in a nation that prides itself on its rich Christian heritage life is cheap? This is our continuing shame and sorrow as a people.
Papaano ba nangyari na sa isang bansang ipinagmamalaki ang kaniyang pamanang Kristyano, ay napakamura ng buhay? Ito ang patuloy na kahihiyan at dalamhati natin bilang isang lahi.
Tanong pa rin iyan hanggang ngayon. Ngunit ang masaklap, ilan pa kaya ang nakararamdam ng kahihiyan at dalamhati sa nangyayari?
Sa sulat ding iyon, inilahad ng CBCP ang limang palaisipan mula sa Mabuting Balita ni Hesus. Una, naging tao Siya upang iligtas ang lahat—mahirap o mayaman, maysala o wala—at walang iiniiwan sa pagliligtas. Pangalawa, sa Kaniyang paggiging tao, binigyang-dangal ni Hesus ang lahat ng tao, lalung-lalo na ang nasa laylayan ng lipunan. Pangatlo, lahat tayong binyagan ay may pananagutang tumulong sa pagliligtas ng kapwa. Pang-apat, ang pagliligtas ay dapat tumungo sa buhay, hindi sa kamatayan. At panghuli, binigyan tayo ng Diyos ng obligasyong ituring ang ating kapwa na parang atin ding mga sarili. May pananagutan tayong itaguyod ang kanilang buhay at tiyaking ito’y buhay na marangal.
Nakapagtataguyod ba ng buhay na marangal ang karahasan ng kasalukuyang operasyon laban sa droga? Tayo rin ba ay nabubuhay nang marangal kung ipinagwawalambahala natin, o pinapalakpakan pa, ang walang pakundangang pagpatay sa ating kapwa?
Mga Kapanalig, ngayong Year of Mercy, huwag nating hayaang maging collateral damage ang habag at awa. Huwag nating kalimutang tayo man ay mga maysalang nabubuhay dahil lamang sa awa at habag ng Panginoon.
Isama po natin sa ating mga dasal si Jeff at ang iba pang katulad niyang walang kalaban-labang pinaslang at pinagkaitan ng awa at habag. Ilulunsad ngayong araw ng arkdiyosesis ng Maynila ang kampanyang “Huwag Kang Pumatay.” Suportahan po natin ito.
Sumainyo ang katotohanan.