69,804 total views
Mga Kapanalig, ilang magsasaka sa Candoni, Negros Occidental ang nangangambang mapalayas ang kanilang pamilya at mapinsala ang kanilang kabuhayan dahil sa dalawang bilyong pisong palm oil plantation project doon.
Ayon sa Gatuslao Agro-Forestry, Banana, and Sugarcane Farmers Association (o GABASFA), may mga sakahan na sa mga barangay ng Gatuslao, Agboy, at Payauan ang nasira dahil sa ginagawang groundworks ng proyekto ng Hacienda Asia Plantation Incorporated (o HAPI). Ang HAPI ay pagmamay-ari ng bilyonaryong pamilya ng mga Consunji. Ayon sa GABASFA, humigit-kumulang isandaang pamilyang-magsasaka na ang naapektuhan. Mahigit sanlibong pamilyang-magsasaka at katutubo pa raw sa tatlong barangay ang maaaring paalisin para bigyang-daan ang plantasyon.
Itinanggi ng alkalde ng Candoni ang pahayag ng GABASFA. Giit niya, may kasunduan ang HAPI at ang lokal na pamahalaan na sisiguruhing walang pamilyang mapalalayas at walang sakahang gagalawin. Nagkaroon din daw ng malawakang konsultasyon bago simulan ang plantasyon upang siguruhing may partisipasyon ang komunidad sa pagdedesisyon. Handa raw ang alkaldeng magsampa ng petisyon laban sa proyekto kung tatakutin at pipiliting palayasin ang mga residente. Pero kuwento ng kapitan ng Barangay Gatuslao, may isang kaso na raw kung saan ginamit ng HAPI ang lupa ng isang pamilya at kapalit nito ay isang bahay sa isang relocation site.
Nakapaloob ang planong plantasyon sa mahigit 6,000 na ektaryang forest land na sakop ng Integrated Forest Management Agreement (o IFMA) na nilagdaan ng HAPI at Department of Environment and Natural Resources (o DENR) noong 2009. Sa kasunduang ito, iginawad ng DENR sa kumpanya ang eksklusibong karapatang paunlarin, pangasiwaan, protektahan, at gamitin ang lugar sa loob ng 25 taon. Maaari itong i-renew nang karagdagang 25 taon alinsunod sa prinsipyo ng sustainable development at sa inaprubahang plano. Ayon sa alkalde ng Candoni, 3,000 na ektarya lang sa Gatuslao ang gagamitin ng HAPI. Giit naman ng ilang mga residente, deka-dekada nang tinitirhan at sinasaka ng mga katutubo ang 4,000 na ektarya sa lupang sakop ng IFMA.
Bilang isang industriya sa mundo, madalas na naiuugnay ang palm oil production sa malawakang pagsira ng kagubatan, pagkamkam sa lupa ng mga katutubo, at pagsasantabi sa mga karapatang pantao. Ito ang tinatawag na “conflict palm oil.” Samantala, ang grupong nasa likod ng palm oil project sa Candoni ay iniuugnay sa mga negosyong mapaminsala sa kalikasan at lumalabag sa karapatan ng mga katutubo. Huwag sanang maging panibagong kaso ng pagsasakripisyo sa kalikasan, mga magsasaka, at mga katutubo ang plantasyon sa Candoni para lang sa pagpapayaman ng mga bilyonaryo at malalaking pribadong korporasyon.
Ang Candoni ay isa sa pinakamahihirap na bayan sa Negros Occidental. Ito marahil ang dahilan kung bakit suportado ng lokal na pamahalaan ang isang proyektong sinasabing magbibigay ng hanapbuhay at magpapaunlad sa bayan. Ganito rin ang naririnig natin sa mga lugar na pinapasok ng malalaking minahan, hindi ba?
Kung totoong walang mapapalayas at walang mawawalan ng kabuhayan, kung totoong responsable ang paggamit ng kagubatan at hindi sisirain ang kalikasan, kung totoong nirerespeto ang mga katutubo at pinahahalagahan ang boses ng mga tao, susuportahan din ng mga residente ang naturang proyekto sa Candoni. Pero hindi ito ang kaso. Umaasa ang alkalde ng Candoni na magkaroon ng “win-win solution” sa isyung ito sa kanyang bayan. Kailangang masiguro ng DENR at lokal na pamahalaan na makikinabang nga ang mga residente nito at wala sa kanilang isasantabi. Dapat maitaguyod ang kabutihang panlahat o common good, isang batayang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan.
Mga Kapanalig, biyaya sa atin ng Diyos ang mga likas-yaman sa mundo upang pagyamanin at pangalagaan. Katulad ng wika sa Mga Gawa 4:23, hindi ito para sa interes ng iilan. Ang mga ito ay para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.