205 total views
Kaisa na ng Caritas Manila ang Couples for Christ – ANCOP Global Foundation Incorporated sa programa nitong YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program.
Ayon kay CFC – ANCOP president, Jimmy Ilagan, malaki ang tiwala nila sa programang scholarship program ng nasabing charity armed ng Simbahang Katolika lalo na sa mahigit limang-libo nitong iskolar sa kolehiyo na halos kumukuha ng technical vocational courses.
Pumirma naman sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang CFC – ANCOP sa harapan ni Caritas Manila, Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual at nangakong sasagutin ang 100 piling YSLEP scholars mula sa mga mahihirap na diyosesis sa bansa.
Nangako rin ang CFC – ANCOP na mas lalo pa nilang daragdagan taon – taon ang bilang ng mga YSLEP Scholars na kanilang aabutan ng tulong hanggang sa magkaroon sila ng magandang kinabukasan.
“Ang Couples For Christ – ANCOP ipagpapatuloy yung mas higit pakikipag -isa dito sa Caritas Manila sa pagpapadala ng mga batang mahihirap na makapag – aral sa college at technical vocational. This agreement or collaboration will bring more better services for the poor. At kami po ay naniniwala na sa pakikipag – isang ito mas marami kaming matutulungan,” bahagi ng pahayag ni Ilagan sa panayam ng Veritas Patrol.
Kasama rin sa naturang MOA signing ang Land Bank of the Philippines mag iisponsor naman ng 19 na iskolar ng Caritas Manila na kumukuha ng Agricultural Business courses na karamihan ay nasa Negros Region.