Mga Kapanalig, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (o DOLE) na magkakaroon ng dagdag na ₱50 sa arawang minimum wage sa Metro Manila. Ayon sa National Wages and Productivity Commission, ang halagang ito ay napagkasunduan upang balansehin ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino at ang kakayahan ng mga employers na magpasahod.
Epektibo ang bagong dagdag sa sahod simula Hulyo 18. Tinatayang 1.2 milyong minimum wage workers sa Metro Manila ang makikinabang dito. Para sa mga non-agricultural na manggagawa sa NCR, tataas mula ₱645 hanggang ₱695 ang kanilang arawang sahod. Para naman sa mga nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura dito sa Metro Manila, sa maliliit na retail establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at sa mga manufacturing establishments na may regular na 10 o mas kaunting manggagawa, tataas mula ₱608 hanggang ₱658 ang kanilang arawang sahod.
Mas mataas ito kaysa sa dagdag na ₱35 na ibinigay noong Hulyo 2024. Tanggap ng ilang labor groups ang dagdag na ito, pero kulang pa rin daw. Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa NCR, ang ₱50 ay “drop in the bucket”, gapatak lang kung tutuusin. Paulit-ulit nilang ipinananawagan: ang kailangan ay living wage, isang sahod na sapat para sa mga pangangailangan ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya. Hindi raw uubra ang paunti-unting dagdag. Ang kailangan ay malawakan at makabuluhang pagbabago, at hindi lang para sa mga mga manggagawa sa Metro Manila kundi para sa lahat ng manggagawa sa bansa.
Ayon sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, “a just wage must not be below the level of subsistence of the worker.” Kung gusto nating malaman kung makatarungan ang sahod, itanong natin: may masustansya at sapat bang pagkain sa mesa ng mga pamilya? May pambayad ba sila ng upa? May pambaon at pamasahe ba para sa kanilang mga nag-aaral na anak? Kung ang sagot ay hindi, o kung ang mga ito ay napakahirap makamit, malinaw na hindi living wage ang natatanggap nila.
Kailangan nating seryosohin ang pagsusuri sa kasalukuyang sistema ng pasahod. Paano ba natin tunay na pinahahalagahan ang manggagawang Pilipino? Kukmbaga sa katawan ng tao, gulugod ng ating ekonomiya ang mga manggagawa. Pero kadalasan, sila rin ay pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sana naman, ang ₱50 na dagdag sa minimum wage sa Metro Manila ay hindi maging bitin o panandaliang ginhawa, kundi magsilbing senyales na unti-unti nang pinakikinggan ng gobyerno ang kanilang boses. Sana, hudyat ito na kinikilala talaga na ang makatarungang sahod ay mahalaga para sa isang buhay na may dignidad.
Paalala sa atin ng Mga Kawikaan 3:27, “Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika’y may kakayahan na ito ay magawâ.” Malaki ang papel ng ating mga mambabatas sa pagkamit ng makatarungang sahod. Noong 19th Congress, nakita man nila ang pangangailangan para sa wage hike, hindi pa rin naipasá bilang batas ang panukalang dagdag na ₱100 hanggang ₱200 sa sahod.
Ngayon, sa pagbubukas ng 20th Congress, muling inihain ng ilang mambabatas ang iba’t ibang bersyon ng wage hike bill. Sa pagkakataong ito, sana hindi malimutan ng ating mga kinatawan at ng ehekutibo—sa pangunguna ng pangulo—ang mga manggagawang Pilipino. Matagal nang hinihingi ng mga manggagawa ang umento sa sahod para sa lahat, at panahon na para ito ay pakinggan at tugunan.
Mga Kapanalig, ang ₱50 na dagdag ay magandang hakbang, pero hindi ito dapat maging huli. Dapat tayong magpatuloy sa panawagan para sa sahod na sapat, makatao, at marangal. Bawat manggagawa ay karapat-dapat sa sahod na hindi lang pantustos sa araw-araw na gastusin, kundi nakatutulong sa pag-angat ng kanilang buhay.
Sumainyo ang katotohanan.






