13,045 total views
Kinilala ni Father Jerome Secillano ang 35-pisong wage hike sa suweldo ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Inihayag ng Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Public Afairs na bagamat maliit ang wage hike ay lubhang makatulong ito para sa mga manggagawa.
“Maliit man, ito ay karagdagang kita pa rin at nawa’y makatulong din sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Fr.Secillano sa Radio Veritas.
Umaasa ang Pari na sa mga susunod na talakayan sa wage hike ay nararapat ang maayos na pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa sektor ng mga manggagawa.
Ayon kay Father Secillano, sa pamamagitan ng maayos na konsultasyon ay malalaman ng pamahalaan na ang itataas na sahod sa minimum wage earners ay sapat upang makasabay sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ipinarating ng Pari sa pamahalaan na sana’y naisa alang-alang sa umento sa sahod ang hirap at dignidad ng mga manggagawa.
“Anumang proseso ang ginawa upang mapagdesisyunan ang php 35 na umento sa sahod, nawa’y naisa-alang-alang sana ang hirap at dignidad ng mga manggagawa. Mainam sana kung mas mataas pang dagdag na sahod ang ipinagkaloob sa mga ordinaryong manggagawa,” paglilinaw ni Fr.Secillano
Sa kasalukuyan, nasa 645-pesos na ang minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila matapos ang 35-pisong dagdag sa suweldo na inaprubahan ng Regional Tripartite Wage Commission and Productivity Board na ipapatupad sa July 15, 2024.
Sa pag-aaral ng IBON foundation, 1,180-pesos ang family daily living wage sa manggagawang may limang miyembro ng pamilya upang matugunan ang pangangailangan at makapamuhay ng mayroong dignidad.
Naunang kinundena ng mga labor group at mga Senador ang kakarampot na pagtaas sa sahod ng mga minimum worker.
Binigyan diin ng Kilusang Mayo Uno at Ministry of Labor ng simbahan ang baryang wage increase.