61,490 total views
Dahil nasa digital age na tayo ngayon, ang mga science-based at digital industries ang karaniwang nangunguna sa merkado. Dahil sa malaking pagbabago na ito, ang mga uri ng trabaho na kailangan sa job market ngayon ay kinakailangan mas maraming scientists, engineers, programmers, IT specialists, at ibang kaugnay na trabaho.
Ayon nga sa UNESCO Science Report, ang mga ganitong trabaho ay mas kailangan ngayon dahil sa mabilis na transition sa digitalization. Ayon nga dito, “Science has become synonymous with modernity and economic competitiveness, even with prestige.” Marami ng mga polisiya ngayon ang nagpapabilis ng transition na ito at kailangang mas maraming manpower para sa mga pagbabagong ito.
Kaya lamang, sa Pilipinas, ang mga propesyonal at eksperto sa ganitong merkado at industriya ay hindi ganun karami. Marami tayong graduates sa engineering at ICT, pinakamataas na sa ASEAN, pero mababa ang bilang ng mga science graduates. Mababa din ang budget natin para sa research and development, na kritikal para sa digitalization. Kasabay ng mga hamon na ito, may brain drain din sa hanay ng mga propesyonal ng Pilipinas. At mas pihadong dadami pa ito kung patuloy ang pamumulitika, korapsyon, kahirapan, at pagtaas ng inflation, habang papalapit ang eleksyon. Ang brain drain ay tumutukoy sa pag-alis o paglipat ng mga edukado, skilled, eksperto, at propesyonal na manggagawa sa mga mas maunlad na bansa upang maghanap ng mas magandang oportunidad at mas malaking kita.
Nadarama na nga natin ang brain drain na ito sa larangan ng teknolohiya. Ang daming cyber security breaches sa ating bansa, na nagpapakita na kulang tayo ng kaalaman at eksperto sa larangan na ito. May digital security skills gap na sa ating bansa at malaking banta ito sa growth o paglago ng ating ekonomiya. Ang kalidad ng serbisyo sa lahat ng industriya, mapa-pribado man o publiko ay maaring bumagsak kapag ang mga pinakamahusay at pinaka sanay na mga propesyonal gaya nila ay umaalis ng bansa. Kung isasama pa natin ang ibang propesyonal, gaya ng mga doktor, nurses, at mga guro, pati batayang serbisyo ay bababa ang kalidad. Kapag ang mga mahuhusay na manggagawa ay umaalis, nawawalan ng mahalagang talento na kinakailangan hindi lamang para sa basic services, kundi para sa inobasyon at pag-unlad.
Paalala ng Sacramentum Caritatis ni Pope Benedict XVI, work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good. Kung patuloy ang kawalan ng suporta sa kakayahan at talent ng Pilipinong propesyonal, mas marami sa kanila ang aalis ng bayan. Ang kahirapan kapanalig, at kawalan ng pagpapahalaga ay nagnanakaw din ng kanilang dignidad.
Ang brain drain ay malaking isyu na kailangang harapin ng ating lipunan ngayon. Pinapakita nito ang ating kawalan ng pagpapahalaga sa ating mga propesyonal at manggagawa, na nagkakaroon na ng napakalaking epekto sa ating bayan sa ngayon at hinaharap. Kahit mahal ng ating mga kababayan ang bayan, kung hindi naman sila pinahahalagahan at tinutulungan, iiwan at iiwan nila ang Pilipinas hindi lamang para sa career advancement, kundi para mabuhay ng maginhawa ang kanilang mga pamilya.
Sumainyo ang Katotohanan.