3,073 total views
Umaapela ang Diocese of Sorsogon ng mga may kasanayan sa psychological first aid para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. George Fajardo, Social Action Director ng Diocese of Sorsogon sa Radyo Veritas Social Service Program na isa sa kanilang programa para sa mga naapektuhan ng volcanic eruption.
Ayon kay Fr. Fajardo, nakita ng kanilang grupo ang epekto sa mental health ng mga mamamayan ang pagputok ng Bulkang Bulasan dahilan upang isa ito sa kanilang pagtutuunan ng pansin at hanapan ng mga eksperto.
“Sa ngayon isa sa nakita ng grupo namin na kulang [ay] tungkol sa Psychological First Aid sa mga victims, kaya nga nag-contact kami sa mga tumutulong sa amin sa Manila area na magkaroon ng training para sa ganoong intervention,” mensahe ni Fr. Fajardo sa Radio Veritas.
Magugunitang ika-12 ng Hunyo ng kasalukuyang taon nang magkaroon ng phreatic eruption ang bulkang Bulusan sa Sorsogon dahilan para ilikas ang ilang mga residente at mabalot ng ash fall ang mga bayan ng Juban at Casiguran.
See: https://www.veritasph.net/caritas-sorsogon-tiniyak-ang-tulong-sa-mga-apektado-ng-pagbuga-ng-ash-fall-ng-bulkanh-bulusan/
Tiniyak naman ni Fr. Fajardo na tuloy-tuloy pa din ang mga ginagawang pagtulong ng Diocese sa mga naapektuhang residente sa pamamagitan ng Parokya ng San Antonio De Padua sa bayan ng Juban lalo na sa bahagi ng rehabilitasyon at programang pangkabuhayan.
“Lahat ng gusto tumulong pinapadirekta na namin sa San Antonio de Padua Parish ng Juban, sa ngayon kasi ang need sa lugar ay rehabilitation and livelihood enhancement para mas madali maka-recover sa mga problema,” paglalahad ng Pari.
Unang iniulat ng Department of Agriculture na umabot sa Php3.12-million ang pinsalang idinulot ng pagliligalig ng Bulkang Bulusan sa sektor ng agrikultura sa mga bayan ng Irosin, Juban at Casiguran sa lalawigan ng Sorsogon.