2,263 total views
Ipagpatuloy ang pagmamalasakit at pag-aalay sa kapwa.
Ito ang panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – national director ng Caritas Philippines para sa mga naapektuhan ng 7.3-magnitude na lindol sa Abra noong ika-27 ng Hulyo, 2022.
Ayon sa Obispo, higit na kinakailangan ngayon ng tulong ng mga biktima ng lindol partikular na sa Ilocos province; Abra; Tabuk sa Kalinga; at Mountain Province.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na patuloy ang isinasagawang rapid assessment at emergency response ng Caritas Philippines katuwang ang mga Social Action Centers ng mga diyosesis na naapektuhan ng naganap na lindol sa Northern Luzon upang malaman ang sitwasyon ng mga mamamayan at kanilang mga kagyat na pangangailangan.
“Isang malakas na lindol ang naranasan ng ating mga kababayan nitong July 27, 2022, marami ang naapektuhan sa Northwestern Luzon gaya ng Ilocos provinces; Abra; Tabuk, Kalinga; at Mountain Province. Kailangan nila ang ating tulong, ang Team Caritas Philippines kasama ng mga Social Action Centers natin sa mga apektadong lugar ay patuloy ang rapid assessment at emergency responses,” ang bahagi ng panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Sinabi ng Obispo na higit na mahalagang maipagpatuloy ang pagbabahagi ng biyaya sa kapwa lalo na para sa mga lubos na nangangailangan sa kasalukuyan dahil sa pagkasira na idinulot ng lindol sa mga ari-arian.
Ayon kay Bishop Bagaforo, maaaring magpadala sa Caritas Philippines ang mga nagnanais na magpaabot ng anumang tulong o donasyon para sa mga biktima ng lindol.
“Maaari po tayong tumulong, ipadala lamang ang inyong mga donasyon sa ating bank accounts at GCash accounts ng Caritas Philippines. Ipagpatuloy po natin ang ating pagmamalasakit, pagbabahagi at pag-aalay kapwa. Gabayan tayo nawa ng ating Panginoon,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Muli namang hinimok ng Obispo ang bawat isa na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng lahat mula sa epekto ng naganap na malakas na pagyanig.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang 7.3-magnitude na lindol ganap na 8:43 ng umaga noong ika-27 ng Hulyo, 2022 kung saan naitala sa bayan ng Tayum sa lalawigan ng Abra ang epicenter nito na may lalim na 17-kilometro.
Sa kasalukuyan patuloy pang inaalam ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at maging ng mga social action centers ng mga diyosesis ang lawak at kabuuang naidulot na pinsala ng lindol sa Northern Luzon.