179 total views
Titiyakin ng mga environmental groups na hindi sila mananahimik at magiging mapagmatyag sa unang 100 araw pa lamang ng panunungkulan ni incoming President Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gerry Arances, Convenor ng Center for Energy Ecology and Development, magkakaroon ng pakikipagugnayan ang mga makakalikasang grupo sa susunod na pangulo upang ihayag ang mga epekto sa kalikasan partikular ng mga coal power plants at mga minahan sa bansa.
Dagdag pa ni Arances, lubos itong umaasa na magsisimula sa bagong administrasyon ang ipinangako nitong change is coming sa usapin ng energy transformation ng bansa.
“Sa first 100 days, bagamat mag-e-engage kami sa kanya sa pamamagitan ng mga pulong, sa pamamagitan ng pagprovide ng mga technical studies, tulad sa mining nag pe-prepare na sila ng kanilang mga studies na nagpapakita na itong mga minahang ito ay hindi na dapat mag patuloy.
Ganun din sa bahagi ng mining, may mga prine-prepare din kami ngayon para ipakita na ang coal ay hindi karapat-dapat na matuloy sa ating bansa at dapat mas pursigido ang gobyerno sa renewable,” pahayag ni Arances sa Radyo Veritas.
Samantala, malaki rin ang inaasahang pagbabago ni Arances, ngayong kaisa ng mga ito si appointed Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez na Chairperson ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc.
Magugunitang, kaisa si Lopez ng mahigit 40 Environmental groups na naglunsad ng Green thumb Coalition sa panahon ng kampanya, kung saan tinimbang at binigyan ng grado ng koalisyon ang mga kandidato batay sa 9 na environmental issues na inihain nito.