151 total views
Nagkasundo ang Ecumenical Bishops Forum (EBF), na binubuo ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) at Simbahang Katolika na hindi na nila hahayaan mailuklok muli sa isa sa pinaka – mataas na posisyon sa bansa ang isang Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, kinatawan sa E-B-F na hindi na nila papayagan na maulit muli ang kasaysayan ng diktaturya sa bansa lalo na sa pagpaslang sa 3 libo at pagkakakulong ng 30 libong mamamayan kabilang na dito ang ilang mga religious leaders noong panahon ng ‘Martial Law.’
Naniniwala din ang Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang o (Carmma) na nagnakaw ang pamilyang Marcos sa 21-taon nitong panunungkulan ng $10 bilyong dolyar kung saan halos $4 na bilyon pa lamang ang naibalik sa pamahalaan.
Iginiit ng grupo na ang natitirang yaman ng Marcos ay nakakalat sa mga banko sa Europa at Estados Unidos.
“Ayon dito sa ating nakalap na mga kaalaman tungkol sa kanyang buhay mula noong Martial Law ay ating nakikita na parang siya ay walang masyadong inaamin o inaangkin na kasamaan na nagawa ng kanyang ama at wari’y ang lumalabas na siya ay natakip ang mata at puso sa mga pangyayari at ito’y nakikita natin rito isang katangian na laban para sa kanyang pagiging isang mabuting namumuno sa ating bansa.”pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunita na lumubo ang utang ng bansa mula $360 milyong dolyar noong 1962 sa $28.3 bilyong dolyar noong 1986 sa panahon ng diktaturyang Marcos.
Nabatid rin na lumaki rin ang bilang ng mga mahihirap mula sa 18 milyon noong 1965 ay lumago ito sa 35 milyong nitong 1986.(Romeo Ojero)