254 total views
Nagpaabot ng pakikiramay ang Order of Carmelite Discalced (OCD), Caritas Philippines at Diocese of Infanta sa pagpanaw ng itinuturing na unang Pilipinong Carmelite Bishop na si Bishop Julio Xavier Labayen, OCD.
Ayon kay Archdiocese of Caceres Archbishop at Caritas Philippines chairman Rolando Tria Trirona, OCD, biyayang maituturing ng Pilipinas ang buhay ni Bishop Labayen lalo na sa kanyang paglilingkod sa mga dukha ng Prelatura ng Infanta.
Inihayag ni Archbishop Tirona na namuhay si Bishop Labayen ng may pagmamahal at tapat na paglilingkod lalo na sa mga katutubong dumagat sa Infanta, Quezon lalo na sa pagtatanggol ng kalikasan.
See: Bishop Emeritus Labayen, pumanaw
Itinuturing din ni Infanta Bishop Bernardino Cortez na biyaya ang buhay ni Bishop Labayen ng mga taong kanyang pinaglingkuran lalo na ang mga dukha sa Infanta simula ng italagang unang apostolic administrator ng Diocese.
“Kami po dito sa Prelatura ng Infanta ay nagpapasalamat sa lahat ng mga tao na naging bahagi ng buhay ni Bishop Labayen. At siyempre ng sambayanan na kanyang pinaglingkuran, sambayanan ng mga dukha ng Infanta”. pahayag ni Bishop Cortez sa panayam ng Veritas Patrol.
Tiniyak ni Bishop Cortez na ang espiritu ni Bishop Labayen ay mananatili lalo na sa pagsasakatuparan ng partisipasyon ng mga layko sa simbahan sa mahigit 40 taon nitong paglilingkod sa Infanta, Quezon na nagretiro noong July 24, 2001.
Magugunita na si Bishop Labayen ang itinuturing huling obispo Pilipino na dumalo sa Second Vatican Council. Siya rin ang kauna – unagang National Director ng National Secretariat for Social Action o NASSA ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.(Romeo Ojero II)