86,000 total views
Hinihikayat ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mananampalataya sa diyosesis na bumalik na sa mga parokya sa pagdalo ng mga gawaing pangsimbahan at pagdiriwang ng misa.
Nilinaw naman ng obispo na hindi pa binabawi ang dispensation sa online masses lalo’t nanatili pa ring umiiral ang novel coronavirus pandemic.
Ipinaliwanag ng Obispo na marami pa rin sa mamamayan ang hindi nagpabakuna laban sa Covid-19 dahil sa takot sa epekto ng gamot at sa kanilang paniniwala.
“We encouraged them to go back pero pinag-iisipan pa namin kung e-lift na yung dispensation kasi meron talagang mga tao na apektado pa rin nung pandemya. Parang is this their choice na hindi magpabakuna kasi hindi sila naniniwala sa bakuna and for us na to not discriminate against them we continue to make online mass,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air.
Sinabi ng obispo sa pamamagitan ng online platform na nagsimula noong pandemya ay nakalikha ang simbahan ng ibang paraan para makipag-ugnayan sa mananampalataya.
Bukod sa misa, sinabi ni Bishop Gaa na maari din itong pagkakataon ng simbahan sa paglalagay ng iba pang makabuluhang ‘content’ sa social media tulad ng katesismo sa mga sakramento.
“Parang sa akin why deprive them that relationship that we already built-up while in fact, it has been effective and it continues to be an opportunity na magkaroon ng ibang content,” ayon pa kay Bishop Gaa.
Naunang ipinag-utos ng Diocese of Imus at Archdiocese of Manila sa mananampalataya ang pagbabalik sa pakikibahagi sa pagdiriwang ng misa sa mga parokya.
Ayon sa sirkular na inilabas ni Imus Bishop Reynaldo Evanghelista, ang kautusan ay ipatutupad simula sa April 2, Palm Sunday.
Sinasaad din sa liham ng obispo ang pagbawi sa kautusan noong July 2020 kaugnay sa Dispensation from Sunday Obligations of the Faithful during the Coronavirus Pandemic 2019.
Una na ring hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya ang personal na pagdalo sa pagdiriwang ng mga misa sa mga parokya.
Ang paanyaya ng kardinal ay kaugnay na rin sa paggunita ng simbahan ng panahon ng kwaresma at Mahal na Araw.
Sa loob ng nakalipas na tatlong taon, ipinatupad sa mga simbahan ang mga online masses dahil na rin sa panganib ng novel coronavirus pandemic.