89,701 total views
Manatiling matatag sa kabila ng pagsubok at pinsalang idinulot ng bagyong Karding.
Ito ang mensahe ni Cabanatuan Nueva Ecija Bishop Sofronio Bancud sa mga mamamayan na nasalanta ng bagyo.
Ayon sa Obispo, batay sa ulat ng Cabanatuan Social Action Center (SAC) ng Diocese of Cabanatuan, karamihan ng naging pinsala sa lalawigan ay pinsala sa mga bahay at gusali.
“Totoong napakahirap, nabagabag ang lahat at nababalitaan kong maraming property damage kaya pasalamat tayo sa Diyos pero gayunpaman ang importante yung tulad ng ating karanasan na pagtutulungan at pagdadamayan ang siyang makakatulong sa ating pagharap sa pagsubok para sa ating mga kapatid na nasalanta,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Bancud.
Ipinagpapasalamat din ni Bishop Bancud na sa ika-pito ng umaga ng September 26 walang ulat ng pagbaha at wala pang naiulat na nasasawi sa lalawigan.
Panalangin naman ng Obispo na biyayaan ng Panginoon ng katatagan ng loob ang bawat mamamayan sa lalawigan upang malampasan ang panibagong pagsubok na idinulot ng Bagyong Karding
“Aking panalangin para sa ating lahat at harinawa yung ating pagkakaisa, pagdadamayan at pagtutulungan ang siyang magbigay ng tibay ng kalooban na makaya nating malampasan ang lahat ng mga ito,” ayon sa pananalangin ni Bishop Bancud.
Iniulat naman sa Radio Veritas ni Fr. Boyet Valenzuela na partially damage ng bagyong Karding ang General Nakar ngunit mas matindi ang pinsala ang iniwan sa isla ng Burdeos.
Inihayag naman ni Fr. Israel Gabriel, Social Action Director ng Prelatura ng Infanta na hindi labis na napinsala ng bagyo ang lalawigan ng Aurora.
“May mga natanggap na kaming initial reports from Dinalungan, Casiguran at Dilasag ito yun mga nasa pinaka-dulo ng Aurora at dito sa Central Aurora, hindi po apektado masyado ang lalawigan ng Aurora, nagkaroon lang ng pabugso-bugsong ulan pero hindi siya alarming na tulad ng dati,” mensahe ni Fr. Gabriel sa Radio Veritas
Sinabi ni Fr. Gabriel na magsasagawa sila ng rapid assessement sa Polilio island at iba pang lugar sa Quezon province sa pinsalang iniwan ng bagyong Karding.