28,514 total views
Patuloy ang ating ginagawang pagkilos at komunikasyon ng iba’t ibang Diyosesis sa Luzon region kaugnay sa naging pinsala ng bagyong Karding.
Batay sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas sa mga kinatawan ng Simbahan Katolika sa Cordillera Region, walang naging malaking epekto ang bagyo sa rehiyon bagamat may naitalang landslide sa Tinoc-Kiangan road.
Kinumpirma ito ni Rev. Fr. Apol Dulawan, Sac Director ng Apostolic Vicariate ng Bontoc-Lagawe.
“Buong gabi umulan dito pero wala namang hangin dala. May mga landslides lang dito pa ako [ngayon] sa Tinoc, Hindi makalabas dahil may landslides naghihintay na malinisan” Ayon kay Fr. Apol Dulawan.
Sinabi naman ni Rev. Fr Jorge Manisem, Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Tabuk na ligtas naman ang Kalinga-Apayao.
“Kalinga is okay, sikat na po ang araw ngayon, ordinaryong ulan lang naman po kagabi at walang hangin na kasama”
Sa Southern Luzon, nagsasagawa na ng rapid assessment ang Archdiocese of Lipa bagamat umaasa ito na na walang masyadong naapektuhan sa lalawigan ng Batangas.
“We are doing our assessment right now pero dahil hindi naman malakas ang ulan at hangin dito kahapon at kagabi mukhang wala namang masyadong naapektuhan” pahayag ni Rev. Fr. Jayson Siapco, Direktor ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission.
Sa Diocese of Gumaca, Quezon ay wala rin naitalang malaking pinsala o paglikas ng mga residente.
Gayunpaman nagsagawa pa din ng assessment ang Social Action Center ng Diyosesis upang alamin ang kalagayan ng mga residente.
“As of today, okay naman ang vicinity ng Gumaca [Diocese]. on -going pa ang aming assessment.” mensahe ni Rev. Fr. John Paraon.