29,158 total views
Mahigit 700 daang libong piso na halaga ng ayuda ang ipinamimigay ng Radyo Veritas at Caritas Manila sa mga mahihirap ngayong buwan ng Oktubre 2022.
Kasabay ng ika-69 na anibersaryo ng Caritas Manila, inilunsad ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas ang pamamahagi ng 690 na gift certificates na nagkakahalaga ng P1,000-piso para sa bawat pamilya
Ang mga tagapakinig o tagapanood ng CIA program ay maaring mag-text ng kanilang mga napiling benepisyaryo na pagkakalooban ng gift certificates na dadaan sa pagsusuri ng mga social workers ng Caritas Manila para matiyak na mayroong pangangailangan o napapabilang sa mga poorest among the poor.
Ayon kay Radio Veritas Vice President for Operations Rev. Fr. Roy Bellen, patunay lamang ang inisyatibong ito ng Radyo Veritas at Caritas Manila sa kagustuhan ng Simbahan na makatulong sa mga mahihirap sa maliliit na pamamaraan.
“Mahalaga ang mga simpleng kawang-gawa [na] ito ng Simbahan. hindi man significant o pang-matagalan ang materyal na epekto nito, makatutulong pa din ito sa mga may agarang mga pangangailangan. It brings across the message that in any way the [Catholic] Church can help no matter how small, handa itong tumulong.” mensahe ni Fr. Bellen.
Sinabi din ni Fr. Bellen na isa lamang ang pagbibigay ng mga ganitong ayuda sa marami pang programa na ginagawa ng Simbahang Katolika para sa mga mahihirap at nangangailangan na naglalayong baguhin ang kanilang kalagayan.
Sinabi ng pari na kailangan din ang kooperasyon at pakikiisa ng mga nakakatanggap ng tulong upang maging matagumpay ang programa ng Simbahan na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
“Bukod sa ganitong mga immediate at short- term interventions, patuloy din na nagsasagawa ang Simbahan ng mga programang pang-matagalan, sustainable at empowering sa mga kapatid nating nangangailangan.Nangangailangan din ito ng cooperation at pagsusumikap sa panig ng mga beneficiaries, para maging mabunga. We hope hindi lang mga short term assistance ang hangarin nila kundi mas maganda sana na makiisa sila sa pagsusumikap ng Simbahan na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.” dagdag pa ng Pari na siya rin namumuno sa Ministry on Social Communication ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Ang Programang Caritas in Action ay napapakinggan sa Radyo Veritas mula lunes hanggang Biyernes tuwing ala-una hanggang alas-dos ng hapon at napapanood din sa Facebook page na Veritas846.ph at sa Sky cable channel 211.
Magugunitang nasa 1.3 milyong pamilya ang natulungan ng Caritas Manila noong kasagsagan ng paglaganap ng Covid19 noong taong 2020 sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gift certificates sa iba’t- ibang lungsod at probinsya sa Pilipinas.