30,424 total views
Nagpapasalamat ang Diocese of Ilagan sa patuloy na pagtulong ng Pondo ng Pinoy.
Ayon kay Mother Mary Peter Camille Marasigan, FLDP o kilalala sa tawag na Mo. Camille, malaking tulong ang Pondo ng Pinoy sa kanilang mga programa na ginagawa sa lalawigan ng Isabela lalu na sa Feeding at Scholarship Program.
Sinabi ni Mo. Camille na ang adhikain ng Pondo ng Pinoy ay tunay na kumakatawan sa ebanghelisasyon patungo sa kaganapan ng buhay.
“Sa akin pong karanasan ang Pondo ng Pinoy ay naka-ugat at kumakatawan sa napapanahon na ebanghelisasyon tungo sa kaganapan ng buhay o yung tinatawag natin na fullness of lfe, ito ay kasabay ng pagbuo ng ating buhay na nahuhubog ang buhay tungo sa pagtugon at pagbabahagi na nagmumula sa maliit subalit nagiging bahagi ng pang araw-araw na adhikain” pahayag ni Mo. Camille sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas.
Isa sa mga programa na tinututukan ng Diocese of Ilagan katuwang ang Pondo ng Pinoy ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap na kabataan na makapag-aral.
Nagagalak ang Madre sa resulta ng kanilang mga programa kung saan nakapagpatapos sila ng cum laude sa kolehiyo.
“isa pa sa program na naisusulong namin na nagiging matingkad ngayon ay nakiktia namin ang mga mahihirap na bata na nagkaroon ng privilege na makapag-aral, meron kaming allocation na binibigay ng Pondo ng Pinoy taon-taon na na-convert namin ito na magamit sa scholarship program… Nitong nakaraang taon meron tayong 13 scholar kung saan sampu ang nasa kolehiyo at 3 ang nasa High school, mayroong dalawa doon sa College na naging Cum Laude” masayang pagbabahagi ni Mo. Camille.
Umapela ang Madre sa mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang Pondo ng Pinoy kung saan ang natitipon na maliliit na halaga ay nagiging malalaking proyekto lalo na para sa mga mahihirap.
Magugunitang ang Pondo ng Pinoy ay sinimulan taong 2004 ng noo’y Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales kung saan nililikom nito ang mga bente sentimos sa mga Parokya o Paaralan upang itulong sa mga programa para sa mga mahihirap.