28,820 total views
Tinutulungan ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. ang Diocese ng Naval sa pagsasagawa ng programa para sa mga magsasaka.
Ito ang ibinahagi ni Ms. Rowena Gabuya, ang program coordinator ng Pondo ng Pinoy sa lalawigan ng Biliran sa programang Caritas in Action.
Ayon kay Gabuya, ilang mga lingkod ng Simbahan na siya rin mga magsasaka ang nakikinabang ngayon sa kanilang proyekto katuwang ang Pondo ng Pinoy.
“Ito po ay ginawan namin ng proposal at nabigyan kami ng pondo ng Pondo ng Pinoy ito ay naglalayon i-angat ang pagiging produktibo ng ating mga Lay Ministers na magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng livelihood assistance. ang halaga na binigay ng Pondo ng Pinoy ay umabot sa P300,000” pagbabahagi ni Gabuya.
Tinatawag ang proyekto na Lowland Rice Production of Lay Ministers Farmers Association o LAYMIFAS Kung saan sa loob ng isang taon ay susuportahan ng Pondo ng Pinoy at ng Diyosesis ang 2 beses na pag-tatanim ng mga benepisyaryong magsasaka.
Aminado si Gabuya na pagsasaka pa din ang pangunahing hanapbuhay sa kanilang lalawigan.
“Ang maganda lang po sa aming lugar kapag may mga ganitong sitwasyon hindi nawawala ang pagdarasal sa Diyos… hindi po ito mawawala sa amin kahit anong hirap ang mga tao tumutugon sa Simbahan at sa Diyos.” pahayag ni Gabuya.
Nagpapasalamat ang Ginang at ang Diyosesis ng Naval sa mga patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa Pondo ng Pinoy na mula sa mga bentesingko sentimos ay nakakapagdulot ng malaking tulong sa mga higit na nangangailangan.
“Sa mga nagbibigay na, kami po sa Diocese of Naval ay kumakatok sa inyong mga puso na ipagpatuloy ang pag-popondo at pagbbigay ng mga barya para sa ating mga kababayan, sa mga kabataan at sa mga Pamilya na nagangailangan para ipagpatuloy na makamit ang kaganapan ng buhay.” pagtatapos ni Gabuya.
Magugunitang taong 2004 nang simulan ni noo’y Manila Archbishop Gaundencio Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy kung saan tinitipon ang gma bente singko sentimos at ginagamit sa mga programa para sa mga mahihirap.