497 total views
Huwag sayangin ang pagkakataong ipinagkakaloob ng Diyos.
Ito ang pagninilay ni Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona ngayong ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon na tumatalakay sa pagiging mabuting katiwala.
Ayon kay Bishop Mesiona, karamihan sa mga tao ay hindi na nagagampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala at sa halip ay mas pinipiling abusuhin ang mga bagay o pagkakataong ipinagkakaloob ng Panginoon.
Tinukoy ng Obispo ang pagkasira at pagkaubos ng mga likas na yaman sanhi ng pananamantala ng mga tao sa pagnanais na umunlad at kumita.
“Ang ating karagatan, marami sanang mahuhuling mga isda ang mga mangingisda kaso ginagamitan naman ng mga ilegal na pamamaraan. Kaya marami ang nasasayang… Ganun din sa ating kabundukan at kagubatan. Ang pagiging last frontier natin ay unti-unti nating sinisira,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Mesiona.
Iginiit naman ni Bishop Mesiona na nais ding ipabatid ng Panginoon sa bawat isa ang pagiging mapamaraan at tapat lalo na sa panahon ng mga pagsubok.
Paliwanag ng Obispo na sa ganitong paraan ay tiyak na matatanggap ng tao ang tiwala at pagpapala bilang gantimpala mula sa Diyos.
“If you could be trustworthy with little things, God would also entrust us with bigger things. Kaya much is given to those who have more,” ayon kay Bishop Mesiona.
Nauna nang sinabi ni CBCP-Office on Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na mahalaga ang pagiging mabuting katiwala sa panahon, talento at kayamanan sapagkat ito ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon.