56,853 total views
Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga atleta at kabataan na linisin ang puso at yakapin ang pananampalataya sa pamamagitan ng kababaang-loob, pagtanggap ng pagkatalo, at pagmamalasakit sa kapwa.
Ito’y sa kanyang pangunguna sa Banal na Misa para sa pagbubukas ng Jubilee of Athletes sa St. John Bosco Parish, Makati City nitong June 28, 2025.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang sports o pampalakasan ay hindi lamang pisikal na gawain, kundi maituturing ding paglalakbay ng pananampalataya.
Ibinahagi ng kardinal ang mensahe ni Pope Leo XIV sa mga atleta sa Jubilee of Sports sa Vatican noong June 14-15, 2025, kung saan inilarawan ang Diyos bilang “Deus Ludens” o Diyos na aktibo’t buhay, tulad ng isang manlalaro.
“For the Pope, sports contribute to our growth in human and Christian virtues. Sports teach us the value of cooperating, working together, and sharing,” ayon kay Cardinal Advincula.
Aniya, binibigyang-halaga ng pampalakasan ang kababaang-loob, pagtanggap sa pagkatalo, at lakas ng loob na bumangon, sapagkat ang tunay na nagwawagi ay hindi laging panalo, kundi ang marunong tumindig sa pagkadapa.
“Champions are not perfectly functioning machines, but real men and women who, when they fall, find the courage to get back on their feet,” ayon sa kardinal.
Iniugnay din ni Cardinal Advincula ang gawain sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus at ang kasunod nitong paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Ayon sa arsobispo, ang puso ni Hesus ay puspos ng awa at pagmamahal, habang ang puso ni Maria ay dalisay dahil ito’y buung-buo para kay Hesus.
Dagdag pa ng kardinal na tulad ng puso ng isang ina, puno ito ng alaala at malasakit para sa kaniyang anak, isang halimbawang dapat tularan ng bawat isa, lalo na ng mga kabataan.
Sa huli’y hinikayat ni Cardinal Advincula ang mga kabataan na tularan ang dalisay na puso ni Maria, na masigasig, mapagmalasakit, marunong umunawa, magmahal, at magpatawad.
“Like our Blessed Mother, let us invite Jesus to dwell in our hearts so that our hearts too may become pure and spotless like hers. Let us strive daily to have a clean and pure heart… This is our prayer. This is the grace we ask for. That our hearts may be holy like the heart of Mary, and pure like the heart of Jesus, and pure like the heart of Mary,” ayon kay Cardinal Advincula.
Itinalaga ng Archdiocese of Manila ang St. John Bosco Parish bilang Jubilee Church for Artists, Musical Bands, and Athletes kaugnay ng pagdiriwang ng Simbahan sa 2025 Jubilee Year of Hope.