66,010 total views
Nakikiisa ang ilang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa paggunita ng sambayanan sa ika-50-anibersaryo ng Martial Law sa ilalim ng pamumuno ng dating si Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo-chairman ng CBCP-Office on Stewardship nawa ay pangalagaan ng bawat Filipino ang tinatamasang kalayaan at demokrasya upang hindi na maulit pa ang madilim na kasaysayan ng Martial Law.
Giit ni Bishop Pabillo, mahalagang alalahanin ang mga pangyayari sa nakalipas na pag-iral ng batas military na naging dahilan nang pagbagsak ng ekonomiya at nagpahirap sa maraming Pilipino.
“Huwag natin kalimutan na naudlot ang pag-unlad ng bansa natin dahil sa Martial Law, naiwanan tayo ng maraming bansa sa Asia dahil sa pagbagsak ng ating ekonomiya dahil sa pang-aabuso noong Martial Law, Hanggang ngayon hindi pa tayo nakababawi, maging maingat tayo na hindi natin uli isuko ang ating kalayaan,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Batay sa talaan ng Ibon Foundation, noong 1975 ang pinakamababang -6.9% na datos ng Gross Domestic Product ng Pilipinas.
Ayon pa sa Ibon Foundation, 1985 ng maitala sa Pilipinas ang ang pinakamataas na 23.2% na inflation rate at umabot sa 49%-ng mga Pilipino o katumbas ng 27-milyon mamayan ang nakaranas ng kahirapan sa ilalim ng pamumuno ng diktaduryang Marcos.
Paalala din ng Obispo na kinakailangan ang pagiging mulat ng mamamayan at maging mapagbantay sa mga opisyal ng gobyerno upang maiwasan sa hinaharap ang muling pang-aabuso sa kapangyarihan.
Hindi malilimutang pangyayari (Bold)
Sinabi naman ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, ang pag-iral ng Batas Militas sa panahon ng diktaduryang Marcos ang isa sa malulungkot at hindi malilimutang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.
“At ipagdasal muna natin ang mga biktima ng Martial Law. ‘Yung mga namatay dito, ‘yung mga nasaktan hindi lamang sa pisikal kun’di pati na rin ‘yung emotional state, at sana naman ay magkaroon din ng paghilom sa kanila,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa ang pari na nawa ang mga biktima ng karahasan at pang-uusig, lalo na ang mga nasawi, ay makamit na ang matagal nang inaasam na kapayapaan at katarungan.
Hiling naman ni Fr. Secillano na mapagtanto ng mga sangkot sa nakalipas na Batas Militar ang naging pagmamalabis at pagkukulang na humantong sa karahasan.
Nataon din sa paggunita ng 50-taon ng Batas Militar na nailuklok bilang ika-17 pinuno ng bansa si President Ferdinand Marcos Jr. -ang anak ng dating diktador na namuno ng higit sa dalawang dekada.
Umaasa ang opisyal ng CBCP na maging daan ang pagkakataong ito na maituwid ang mga pagkakamali nang sa gayon ay hindi na muling maulit pa ang mga nangyari sa pag-iral ng Martial Law.
“Sana magkaroon din sila ng remorse sa mga nagawa nila. Kumbaga, ito ay pagkakataon din para balikan natin ‘yung mga lapses sa mga nangyayari noon at para ituwid natin sa kasalukuyan. At sa hinaharap nama’y mas mag-improve tayo bilang isang bansa,” saad ni Fr. Secillano.
September 21, 1972 nang ipag-utos ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, ang Martial Law kung saan may 3,000-katao ang napaulat na pinaslang.
Nagwakas naman ang 14-taong Martial Law at ang Rehimeng Marcos noong 1986 sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution. (Jerry Maya Figarola/Michael Añonuevo)