41,613 total views
Umaabot na sa mahigit P400-milyon ang halaga ng naitalang pinsala sa agrikultura at mga imprastratura ng naganap na lindol sa Northern Luzon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Mark Timbal, mahigit sa P13-M halaga na ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang P4.5M ang napinsala sa mga irigasyon, at higit P414-M naman ang pinsalang naiulat sa imprastraktura.
Base sa ulat, hindi pa kasama sa tala ang napinsalang mga simbahan at mga heritage sites sa Northern Luzon.
“Marami pong napinsala na mga heritage structures natin lalo na po ‘yung mga simbahan at pati na din ‘yung mga bell towers nitong mga simbahan po na ito. Tuloy po ang ating pakikipag-ugnayan sa ating National Historical Commissions and Societies para matukoy po ‘yung halaga ng pinsala kasi iba po talaga, technically priceless po lahat ng mga structures na ito,” pahayag ni Timbal.
Sa kasalukuyan, 27-lokal na pamahalaan na ang nagdeklara ng ‘State of Calamity’ dahil sa matinding pinsalang idinulot ng lindol sa hilagang bahagi ng Luzon habang patuloy na nararanasan ng mga mamamayan ang sunod-sunod na mga aftershocks.
Sa huling datos, higit sa walong daang libong pamilya na ang naapektuhan ng lindol at mahigit sa 21,000 mga kabahayan ang nasira kung saan higit sa 20 libo ang ang partially damaged at 300 naman ang totally damaged.
Nakapagpaabot na rin ng mahigit P11.6 M halaga ng family food packs, relief assistance, financial assistance, mga tent, hygiene kits, at kitchen kits ang pamahalaan.
Habang patuloy ang malawakang response operation ng NDRRMC sa mga lalawigan sa Northern Luzon.
Ayon naman kay NDRRMC Chairperson at Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge Senior Undersecretary Jose Faustino Jr., bukod sa mga food packs at tulong pinansiyal, higit na kinakailangan din ngayon ng mga naapektuhang residente ang suplay sa tubig.
Umaabot naman sa P2.2 milyon ang paunang tulong ng Caritas Manila sa Diocese of Bangued sa lalawigan ng Abra at Archdiocese of Nueva Segovia sa Ilocos Sur.
(With News Intern – Chris Agustin)