40,656 total views
Nanawagan ng tulong ang Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe para sa mga pamilya at magsasakang naapektuhan ng baha at pagguho ng lupa sa Banaue.
Ayon kay Fr. Apolonio Dulawan, MJ – Social Action Center Director ng Apostolic Vicariate of Bontoc-Lagawe sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na sa maliliit na pamayanan para sa mga pangangailan ng mga naapektuhan ng pagbaha.
“Gumagalaw ngayon ang BSAC team doon sa Banaue, they are contacting all the BECs, the Basic Ecclesial Communities, para tingnan yung mga members nila o mga kapitbahay nila na ngangailangan ng tulong. Pero yung tinitingnan natin baka yung long-range plan ay matulungan itong farmers na talagang nawalan, ‘yan ang mas importante,” pahayag ni Fr. Dulawan.
Bukod sa mga relief goods, kinakailangan ding magkaroon ng rebuilding program para sa mga pamilyang nasira ang mga bahay dahil sa pagguho ng lupa sanhi ng tuloy-tuloy nap ag-ulan sa Ifugao Province.
Batay sa huling tala ng opisyal, may 465 rice farmers at 251 vegetable farmers ng high-value crop ang naapektuhan ng matinding pagbaha.
Tatlong mga bahay naman ang idineklara bilang ‘totally-damaged’ at may 1,044 mga bahay naman ang ‘partially damaged’.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, umaabot na sa P40 M ang halaga ng pinsalang idinulot ng pagbaha at landslide sa agrikultura at P500 M piso naman ang pinsala sa imprastraktura.
“Awa po ng Diyos, wala po tayong fatality, walang nasawi nating kababayan, pero may anim po tayong injured persons na inagapan po agad ng lunas ng ating mga kasamahan sa Local Government Unit. More than 1,000 families po ang affected pero nag-evacuate po ay 2 family lang diyan sa isang evacuation center,” dagdag ni Timbal.
Huwebes, July 7 nang maranasan ang malawakang pagbaha at pagguho ng putik sa bahagi ng Ifugao Province, lao na sa bayan ng Banaue, sanhi ng walang tigil na pag-ulan dahil sa Hanging Habagat. | with News Intern – Chris Agustin