1,254 total reads
Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa kuwento nina David at Goliat? Nang hamunin ng higanteng mandirigmang si Goliat ang hukbo ng Israel, walang nangahas na humarap sa kanya kundi si David, isang maliit at hamak na pastol. Hindi patas ang laban.
Tila ganito rin ang nangyayari sa ating karagatan ngayon. Nahaharap sa hindi patas na laban ang ating mga municipal fishers matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Fisheries Administrative Order (o FAO) No. 266, isang kautusang nagpoprotekta sa kanila laban sa malalaking commercial fishers.
Sa loob ng maraming taon, idinadaíng ng mga municipal fishers ang pangingisda ng mga barkong pangkomersyal sa 15-kilometer municipal water zone, kaya malaking panalo para sa kanila nang ipatupad ang FAO 266. Inaatasan nito ang mga operators na maglagay ng vessel monitoring system (o VMS) sa mga barkong pangkomersyal na may bigat na 3.1 gross tons. Dapat din silang gumamit ng electronic reporting system (o ERS) para sa pagsusumite ng impormasyon hinggil sa lokasyon ng kanilang mga sasakyang pangisda at dami ng kanilang mga huli.
Ipinatupad ito upang masubaybayan ang kilos ng mga barkong pangkomersyal at matiyak na hindi sila pumapasok sa municipal waters na, sa ilalim ng Fisheries Code, ay pangunahing nakalaan para sa maliliit na mangingisda. Layunin din ng FAO 266 na siguraduhing hindi pumapasok ang malalaking bangkang pangisda sa mga marine protected areas.
Pero ayon sa Korte Suprema, bigo ang pamahalaan na patunayang epektibong paraan ang paggamit ng VMS at ERS para sugpuin ang tinatawag na illegal, unreported, and unregulated (o IUU) fishing. Ito ang dahilan kung bakit napawalambisa ang FAO 266.
Maghahain daw ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR) ng motion for reconsideration sa Korte Suprema. Pero habang nananatiling walang bisa ang FAO 266, maaaring lumala ang matagal nang hindi patas na laban sa pagitan ng maliliit na mangingisda at mga commercial fishers.
Ito ang ikinababahala ng grupong Oceana Philippines. Matagal na raw na nasa krisis ang sektor ng pangisdaan sa bansa. Sa nakalipas na labintatlong taon, bumababa ng humigit-kumulang 45 milyong kilo bawat taon ang dami ng huling isda ng mga Pilipinong mangingisda. Samantala, 88% ng mga fish stocks sa bansa ay overfished na. Dahil dito, mahigit 300,000 pamilya ng mga mangingisda ang nabubuhay sa kahirapan. Sa bilang na ito, 90,000 ang kulang sa pagkain araw-araw.
Palalalain ng pagpapawalambisa ng FAO 266 ang kalagayang ito. Lalakí pa ang mababawas sa huli ng mga mangingisda kapag tuluyang humina ang pagbabantay sa mga barkong pangkomersyal. Darami pa ang mga pamilyang mawawalan ng kita, pagkain, at kabuhayan.
Nanganganib din maging ang ating yamang-dagat. Ang municipal waters ay tahanan ng mga coral reef at mga lugar kung saan nangingitlog at dumarami ang mga isda. Kapag hindi napangalagaan ang mga bahaging ito, mas mahihirapang makabawi ang ating mga karagatan mula sa overfishing.
Kaya ito ang tanong: kanino ba talaga ang ipinangakong 15-kilometer municipal waters? Nananatili ba ito para sa maliliit na mangingisda, gaya ng itinatadhana ng batas? O hinahayaan na ang malalaking negosyo na pasukin ang karagatang inilaan para sa mga kababayan nating munciipal fishers?
Mga Kapanalig, pagtuunan natin ng pansin ang babala ni Pope Francis laban sa isang lipunang hinahayaan ang malalakas na manaig habang naiiwan ang mahihina. Sa dulo ng kuwento nina David at Goliat, nanaig si David. Ipanalangin nating manaig din ang ating mga maliliit na mangingisda—hindi laban sa kapwa mangingisda, kundi laban sa kawalang-katarungan, sa patuloy na pagkasira ng ating karagatan, at sa mga sistemang pumapabor sa malalaki kaysa sa maliliit.
Sumainyo ang katotohanan.




