21,560 total views
Kapanalig, tuwing Pebrero 25, ginugunita ng mga Pilipino ang isang makasaysayang tagumpay—ang EDSA People Power Revolution. Noong 1986, milyun-milyong Pilipino ang nagtipon sa EDSA, hindi upang maghimagsik gamit ang dahas, kundi upang ipakita na ang pagkakaisa at tapang ng bayan ay may kapangyarihang magpatalsik ng diktadura at muling buhayin ang demokrasya.
Hindi maikakaila ang mahalagang papel ng Simbahang Katolika sa tagumpay ng People Power 1986 na sinasagisag ng National Shrine of Mary, Queen of Peace sa kanto ng EDSA at Ortigas Avenue kung saan pinigilan ng mga madre, pari, seminarista at layko ang mga sundalong sasalakay sa mga “rebeldeng” nasa Kampo Crame na pinamumunuan ni dating Senador Juan Ponce Enrile at namapayapang pangulong Fidel Ramos.
Sa pamamagitan ng panawagan ng namayapang Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa Radio Veritas, pumunta sa EDSA ang milyun-milyong Pilipino.
Ang EDSA ’86 Kapanalig, ay isang kabanata sa kasaysayan, isang aral at inspirasyon na dapat ipasa sa susunod na henerasyon na ang demokrasya ay hindi madaling makamit. Ang EDSA ay patunay na ang demokrasya ay may presyo at tungkulin nating ipaglaban at pangalagaan. Tungkulin nating iparating ang tunay na kuwento ng EDSA sa mga kabataan sa gitna ng laganap na maling impormasyon at revisionism. Ang laban para sa kalayaan, hustisya at katotohanan ay hindi natatapos sa isang henerasyon.
Pero, matapos ang 39-taon, anong nangyari sa tunay na diwa ng EDSA People Power “bloodless” revolution? May halaga pa ba ang EDSA revolution sa kasalukuyan?
Kapanalig, pansinin na habang tumatagal ang EDSA, tila nawawala na pagkakaisa natin sa Diyos kay Kristo kasama ang kanyang Ina na si Maria na dapat sana ay pangunahan ng mga obispo at pari. Iyon ang diwa ng EDSA noon, nakikita pa ba natin ito ngayon?
Wala! Ang EDSA ay sumisimbolo ng magulo at mali sa ating bayan. Ang pinatalsik sa EDSA noon ay hindi lang basta nakabalik, kundi sila pa ang mismong nananahan sa palasyo ng Malakanyang.
Nakakapanlumo din, na mismong mga Pari at Obispo ay masasabing nating malaki din ang kinalaman sa pananamlay ng diwa ng EDSA ’86… Nakaligtaan nilang tularan ang buhay-panalangin (prayer life) ni Cardinal Sin na siyang bukal ng kanyang kabanalan o espiritualidad.
Sinasabi ng John 15:6 na “I am the vine; you are the branches. If you remain in me and I in you, you will bear much fruit; apart from me you can do nothing”.
Ang EDSA revolution ay isang simbolo na kapag nagkakaisa ang mga Pilipino, kayang bumangon sa anumang pagsubok.
EDSA ’86 is not a myth, ito ay patuloy, paulit-ulit na pakikibaka sa demokrasya, hustisya at katotohanan. Ang paniniil ay nagpapatuloy… laganap pa rin ang paglapastangan sa kahinaan ng mga Pilipino ng mga nasa kapangyarihan. Sana Kapanalig, sa gitna ng maraming pagbabago sa pag-usbong ng maraming matatayog na gusali, nananatiling paalala ang National Shrine of Mary, Queen of Peace na kung nakahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus kasama ang kanyang Ina na si Maria, ay tayong magagawa.