201 total views
ENDO o “end of contract” ang isa pa ring hadlang sa inklusibong paglago ng ekonomiya.
Ito ang naging pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity matapos ang ulat na lumago ang ekonomiya ng bansa nitong nakaraang unang tatlong buwang panunungkulan ng Pangulong Rordigo Duterte.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi pa rin ramdam ng sektor ng mga manggagawa ang kaunlarang tinatamasa ng bansa lalo na’t hindi pa rin natutupad ang una ng naipangako ng Pangulo na wawakasan na nito ang umiiral na kontrakwalisasyon sa bansa.
Kaya’t hinikayat ni Bishop Pabillo ang DOLE o Department of Labor and Employment na manindigan sa pangako nito na bago matapos ang taon ay halos 50 porsyento na ng mga manggagawang kontraktuwal ang magiging regular na batay Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc. o (PALSCON) nasa 850,000 na ang mga manggagawang kontraktwal sa buong bansa nitong 2016.
“Kaya nga sabi ng ating Presidente na sa pag – upo niya ay dapat matatanggal ang ENDO kaya maraming pangako na hindi nagagawa. Sana naman itong ating DOLE kailangan panindigan nila ang pangangailangan ng mga manggagawa. At alam natin na kahit na maraming trabaho kung may ENDO naman ay makikinabang ang mga employers at walang maitutulong sa mga manggagawa. At hindi mag – iimprove ang ating ekonomiya para sa lahat kung nandiyan pa rin ang kontrakwalisasyon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA mula Hulyo hanggang Setyembre taong kasalukuyan, umangat ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa 7.1% mula sa dating 7% sa mga nakaraang quarter.
Nahigitan nito ang 6.7 percent expansion na inaasahan ng mga ekonomista.
Nauna na ring isinusulong ng Kanyang Kabanalan Francisco ang “Trickledown Theory” na dapat ay nararamdaman ng mga nasa laylayan ng lipunan ang kaunalarang natatamasa ng isang bansa at hindi lamang ng iilang kapitalista.