186,494 total views
Mga Kapanalig, ilang dekada nang itinutulak ng marami ang isang batas na magbabawal sa pagtakbo sa pulitika ng mga magkakamag-anak. Tama na raw ang mga political dynasties. Kasi naman, lagi na lang nadadamay ang pamamahala sa ating bansa sa drama ng mga magkakapamilya sa pulitika.
Noong isang linggo, halimbawa, inakusahan ni Senadora Imee Marcos ang kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Ibinulgar niya ito sa harap ng libu-libong kasapi ng iba’t ibang sekta na nagtipun-tipon para daw kundenahin ang korapsyon. Nag-react naman dito ang pamangkin niyang si Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos. Siyempre, itinanggi niya ang paratang ng kanyang tiyahin. Nagkakalat daw ng kasinungalingan ang senadora para pababain sa puwesto si PBBM nang matupad ang ambisyon ng tita na maging mas makapangyarihan.
“Toxic family drama” ang natutunghayan natin, ayon kay Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña. Nadadamay daw ang mga mamamayan sa “agawan sa poder [ng] mga political dynasties. Kaya dapat na raw ipasá ang House Bill 5905 o ang Comprehensive Anti-Political Dynasty Bill. Ganito rin ang sentimiyento ng Kabataan Party-list. Nagmumukha na nga raw family business ang pamumuno. Nag-aagawan sila sa kapangyarihan na para bang pamanang pinag-aagawan ang posisyon sa gobyerno. Sabi ng kinatawan ng grupo na si Representative Renee Co, “Ang sumisira sa pamilya nila at sa bawat pamilyang Pilipino ay ang pagkagahaman nila sa poder.”
Pero mukhang mahirap maipasá ang ganitong batas dahil karamihan sa mga congressman at senador natin ay mula sa mga political dynasties. Ito ay sa kabila ng mandato ng ating Saligang Batas na dapat magkaroon ng isang enabling law o batas na magbabawal sa mga dinastiya.
Hindi man direktang inaalmahan ng mga mambabatas na mula sa mga political dynasties ang gustong mangyari ng Akbayan at Kabataan Party-list, nais nilang linawin ang terminong ito. Para kina Isabela First District Representative Antonio Albano at House Speaker Faustino Dy—na kapwa galing sa mga political dynaties—ang dapat na ipagbawal ay ang pagtatalaga ng mga kamag-anak sa mga posisyon sa gobyerno. Hindi daw sila dapat pagbawalang tumakbo sa eleksyon dahil karapatan ito ng sinuman.
Anong say ninyo, mga Kapanalig? Magkakamag-anak ba ang mga namumuno sa inyong bayan o lungsod? Mga kamag-anak din ba ng mga pulitiko ang nakaupo sa mga ahensya ng inyong lokal na pamahalaan?
Mahigit isandaang milyon tayong mga Pilipino kaya mahirap sabihing wala naman tayong choice. Pero nasanay na nga siguro tayo na hindi makita ang ugnayan ng ating personal na mga karanasan sa buhay ng ating bayan. Hinahayaan na lang nating mamuno ang mga taong sakim sa kapangyarihan. Ibinoboto na lang natin ang mga sikat at maimpluwensya. Pare-pareho lang naman sila, iniisip siguro ng marami sa atin. Ang problema, sila ang mga nagpapasya sa mga bagay na may malaking epekto sa ating buhay—anong trabaho ang mapapasukan natin, saang lugar tayo pwedeng manirahan, anong uri ng edukasyon ang matatanggap ng ating mga anak, magkano ang magiging presyo ng mga bilihin, anu-anong serbisyo ang matatanggap natin sa mga pampublikong ospital.
Dumating na nga sana ang panahong ang gobyerno ay hindi ginagawang negosyo ng mga angkan at pamilya. Tandaan natin, ang pagtataguyod ng kapakanan ng lahat—o common good—ang pangunahing papel ng pamahalaan. Hindi pagmamay-ari ng iilang pamilya ang ating gobyerno. Hindi ito larangan para magsiraan ang mga magkakapamilyang hindi nagkakasundo.
Mga Kapanalig, ang mga nagpapatakbo ng pamahalaan ay, ayon sa Roma 13:4, mga lingkod ng Diyos. Kung lingkod sila ng Diyos, uunahin nila ang bayang pinangakuan nilang paglilingkuran. Sakripisyo ang pagiging lingkod-bayan; kahit pa ang pamilya ay dapat isinasantabi kung kapakanan na ng bayan ang nakataya.
Sumainyo ang katotohanan.





