236 total views
Inilunsad ng iba’t-ibang local at international Non Governmental Organization ang grupong Fight Inequality Alliance.
Misyon ng grupo na tuldukan ang hindi pagkakapantay-pantay sa mga usaping pulitikal at socio-economic na nagdudulot ng labis na kahirapan, pagkagutom, kawalan ng sapat na hanapbuhay at kita para sa mga pamilya, pagdami ng mga migrante at paglaganap ng kaguluhan at digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Bukod dito, layunin din ng grupo na bigyang katarungan ang hindi patas na paggamit sa likas na yaman ng mundo.
Inihalimbawa ni Naderev Saño – Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia ang hindi patas na pakinabang sa yamang mineral ng Pilipinas.
Itinuturing din ni Saño na isang kabalintunaan na ang mga lugar kung saan nakatayo ang mga coal fired power plants ay naghihirap at walang sapat na elektrisidad.
“Yung mga industriya [halimbawa na] ang mina ay nagko-contribute ng napakaliit sa ating ekonomiya lalo na sa Gross Domestic Product o GDP at in terms of employment ay napaka-baba nung pinapangalandakan na benepisyo nito hindi naman tinatamasa ng sambayanang Filipino.”pahayag ni Saño sa Radyo Veritas.
Ayon sa pag-aaral ng Oxfam International noong 2016, ang pinagsama-samang kayamanan nang pinaka dominanteng 62-tao sa mundo ay katumbas na ng yaman ng 3.6 na bilyong mahihirap na malinaw na nagpakikita ng hindi patas na pamamahagi ng yaman sa mundo.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, kinokondena rin ng Santo Papa ang pagpapasasa ng iilang may kapangyarihan sa yaman ng mundo na dapat sana’y napakikinabangan ng marami lalo na ng mga mahihirap.