4,247 total views
Ito ang isa sa pangunahing bunga ng isinagawang Synod on Synodality sa Vatican na nagsimula noong 2021 at nagtapos noong Oktubre 2024.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), bagama’t karaniwang ipinalilimbag ng Santo Papa sa pamamagitan ng Apostolic Exhortation ang resulta ng synod-subalit sa pagkakataong ito ay hindi nagsulat si Pope Francis, kundi ay tinanggap ng buo ang isinumiteng final document sa pagtatapos ng sinodo.
Ang final document ay nalikha sa pagtutulungan ng bawat kinatawan ng sinodo, hindi lamang ng mga opisyal ng simbahan kundi kasama ang mga karaniwang layko na ipatutupad ang mga resolusyon sa buong simbahan.
“Kasi may papel tayo, to transform the church to maintenance to mission. Ito yung pinaka-objective ng Synod on Synodality, hindi na puwedeng pang-maintenance mode lang tayo. Dapat tayo ay simbahang nagmimisyon sa lipunan. Ang consciously, ibig sabihin dapat nagpa-plano tayo ng pastoral plan-hindi pastors plan, o plano ng pari kundi plano ng Christian community sa kung anong uri ng paglilingkod ang maibibigay natin sa mas malawak na lipunan,” ayon sa pahayag ni Cardinal David sa Pastoral visit on-the-air ng programang Barangay Simbayanan.
Binigyan-diin pa ng Cardinal na tulad ng panawagan ni Pope Francis, kinakailangan ng simbahan na maging bukas sa pagtanggap para sa lahat, anuman ang kalagayan ng isang tao sa lipunan tulad na rin ng ipinakitang halimbawa ni Kristo.
“Baliktarin natin, unahin muna natin ang pagtanggap sa ating mga kapatid, anumang kalagayan meron sila. And then, iparamdam natin na sila ay mga anak din ng Diyos, and it is the love and the care of the Christian community that will change people that will lead them to conversion.”
Si Cardinal David ay isa rin sa itinalagang miyembro ng Synod Council, bilang kinatawan ng simbahan sa Asya kasama si Goa, India Archbishop Cardinal Filipe Ferrao, pangulo ng Federation of Asian Bishops Conferences (FABC) kung saan si Cardinal David naman ang tumatayong bise-presidente.
Sa Hunyo ngayong taon, inaasahang muling magtutungo sa Roma si Cardinal David para dumalo sa pulong ng Synod Council, gayundin ang gaganaping Cannonical taking Possession sa Church Transfiguration Parish sa Rome, bilang kaniyang Titular Parish -kasunod na rin ng pagkakatalaga bilang cardinal ng simbahan.
Ang katatapos lamang na Synod of Bishops on Synodality ay nagpakita ng ilang mga makasaysayang pagbabago sa simbahan kabilang na ang paglahok ng mga kababaihan at mga layko sa pagboto sa sinodo at proseso ng pagdedesisyon sa loob ng simbahan.
Pagpapalawig ng Proseso ng Synod, na orihinal na itinakda para sa Oktubre 2023 ay pinalawig hanggang Oktubre 2024. Ang pagpapalabas ng Final document na hindi isinulat ng Santo Papa, kundi ay pinagtibay niya ang resulta ng final document at ang pagbibigay-diin sa Synodality bilang daan ng pagbabago, na nagbibigay-diin sa synodality bilang isang landas ng espiritwal na pagbabago na naglalayong isulong ang mas malalim na pakikilahok ng lahat ng miyembro ng Simbahan sa misyon nito.