5,220 total views
Hinihikayat ng EcoWaste Coalition ang mga deboto ng Jesus Nazareno na ipahayag ang pananampalataya sa pamamagitan ng malinis na pagdiriwang ng Nazareno 2025.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste Campaigner Ochie Tolentino, ang pakikibahagi ng milyon-milyong deboto sa pagsusulong ng kalinisan ay makatutulong upang mabawasan ang malilikhang basura, lalo na sa Quirino Grandstand para sa Pahalik, mga kalsadang daraan ng Traslacion ng Jesus Nazareno, at sa paligid ng Quiapo Church.
Ang apela ng grupo ay alinsunod sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa 128th Plenary Assembly noong July 2024 na suportahan ang pagsisikap na matugunan ang suliranin ng plastic pollution.
“Our advocacy for reduced use and disposal of single-use plastics during the massive feast of the Black Nazarene is a concrete way of putting the bishops’ call for ecological action into practice,” ayon kay Tolentino.
Kabilang sa mga karaniwang kalat na naiiwan sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Jesus Nazareno ay ang mga single-use plastics tulad ng water bottles, cups, food containers, kutsara’t tinidor, plastic bags at wrappers, pati na rin ang mga upos ng sigarilyo at disposable vapes.
Iginiit ni Tolentino, na ang wastong pamamahala at pagtatapon sa mga nalilikhang basura ay pagpaparangal hindi lamang sa pananampalataya ng bawat isa, kundi maging sa tungkuling pangalagaan ang kalikasan.
Samantala, ang Kapistahan ng Jesus Nazareno ngayong taon ang magiging kauna-unahan na ipagdiriwang sa lahat ng diyosesis sa bansa makaraang aprubahan ng CBCP ang kahilingang gawing liturgical feast ang January 9 bilang pagkilala sa malawak na debosyon ng mga Pilipino sa Jesus Nazareno.
Dahil dito, panawagan ng EcoWaste sa mga pari at layko na gumawa ng konkretong hakbang upang maiwasan at mabawasan ang basura habang ipinagdiriwang ang Nazareno 2025 sa mga diyosesis at mga saklaw na parokya.
Tema ng Naareno 2025 ang “Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog sa mga Umaasa kay Hesus”.