282 total views
April 9, 2020, 2:26PM
Nagpahayag ng pagkilala at pasasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines– Episcopal Commission on Youth sa lahat ng mga frontliners na matapang na hinaharap ang banta ng kapahamakan mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng kumisyon kaugnay sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong Huwebes Santo.
Ayon sa Obispo, malaki ang papel na ginagampanan ng mga frontliners upang maprotektahan at mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
“We respond to the call to express our gratitude from the Episcopal Commission on Youth in the name of my brother Bishops, mga kabataan we express our sincere gratitude and appreciation for those who are doing their best so that our country remain safe from this pandemic…”pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, ang mga nagsisilbing frontliners sa gitna ng COVID-19 sa bansa ay maituturing na mga bagong ehemplo ng kabayanihan at paglilingkod ngayong Araw ng Kagitingan.
Ipinaliwanag ni Bishop Alarcon na dapat maging huwaran ng mga kabataan ang mga frontliner na kinabibilangan ng mga medical personnel, pulis, militar, social workers at maging mga lingkod bayan sa paglilingkod ng tapat at buong puso para sa kapwa.
“Mga bagong bayani dahil dito sa Araw ng Kagitingan at ngayong Holy Thursday yung ginagawa ng ating mga frontliners are a model and example of heroism, of service at sa ating mga kabataan yun ang nais kong sabihin na let us not be afraid to serve, let us not be afraid to give ourselves at yun talaga ang kahulugan ng buhay kaya sila ay mga model, example so we are grateful, thankful to our frontliners both in the medical field, in the military, in the social work and other agencies like barangays lahat sila sinusuong ang risks to take care of the whole community and population…”pahayag ni Bishop Alarcon.
Ang Araw ng Kagitingan o Day of Valor ay isa ring pag-alala sa tinaguriang Bataan Death March kung saan sapilitang pinaglakad ng mga Hapon ang mga Filipino at Amerikanong ‘prisoners of war’ mula Bataan hanggang San Fernando, Pampanga.
Batay sa tala, mula sa halos 78-libong Filipino at Amerikanong sumuko sa mga Hapon, nasa 5 hanggang 10-libo sa mga ito ang nasawi.