170 total views
Kapanalig, ayon sa World Economic Forum (WEF), may limang pangunahing hamon o key challenges ang sandaigdigan ngayon.
Dalawa sa mga hamon na ito ay may kaugnayan sa ekonomiya. Mas kailangan na, kapanalig, na gawing mas masigla ang pagbuhay at pag-angat ng mga ekonomiya ng mga bansa ngayon. Mas lumalawak na ang income disparity o hindi pagkapantay pantay hindi lamang sa ating bansa, kundi sa maraming bansa sa buong mundo. Naging mas mahirap pa ito tugunan ngayon dahil ang “mood’ o political climate sa maraming mga bansa, ayon sa WEF, ay “anti-establishment populism.” Ramdam ito sa ating bansa, kapanalig. Ang karamihan sa ating mga demokratikong institusyon ay tila sinusubukan ngayon, at hindi na kasing lakas o kasing lawig ang suporta sa mga ito. Ang pangalawang hamon: kailangan na nating suriin ang merkado at lipunan. Gaano ba tayo naging “inclusive” bilang isang bansa?
Kaugnay ng pagsusuri na ito ang ang susunod na hamon sa ating daigdig: ang identity at community, o pagkakilanlan at komunidad. Sa buong mundo kapanalig, nagbabago ang mga pananaw at ugali mula sa indibidwal na lebel hanggang sa malawakang lipunan. Ang ating mga depinisyon ng kasarian, lahi, kulay, relihiyon, pati politika ay nagbabago. Marami na ang nalilito. Nagkakaroon, ayon sa WEF, ng “cultural schisms.” Mas lalo tayong kumakalas sa isa’t-isa kapanalig, sa halip na maghawak kamay at sabay sabay iangat ang buhay ng kapwa.
Sa gitna ng pagbabago na ito, ang teknolohiya ay nagdadala rin ng mga bagong inobasyon na bumabago rin ng ating buhay. Ito ang pangatlong hamon. Paano ba natin mapapamalakaya at magagamit ang teknolohiya upang payabungin ang buhay ng tao? Sa ngayon, ang kapangyarihan ng teknolohiya ay tila parehong regalo at sumpa. Ang mga global-wide virus at ransomware attacks, ang hacking, at iba pa, ay malaki ang banta sa buhay at kabuhayan ng tao. Kaya nitong sirain ang ilang taon ng pagsasa-ayos ng mga procedures at sistema ng mga organisasyon at ahensya. May kontrol rin ang teknolohiya sa takbo ng pera.
Ang mga isyung pangkalikasan ay isa rin sa mga pangunahing hamon ng maraming mga bansa ngayon. Handa ba tayo, kapanaig, sa climate change? Kaya ba nating harapin ang mga pagbabagong dala nito sa ating weather patterns? Maliban sa climate change, kamusta na ang ating karagatan, ang hangin, at ang lupa? Tatagal pa ba sila ng maraming panahon, o matatabunan na lamang sila ng ating mga basura?
Ang global na kooperasyon ay panglima sa mga hamon na hinaharap ng mga bansa ngayon. Nagkakaisa pa ba ang mga bansa ng mundo? May mga pamantayan ba tayong sinusundan at nirerespeto na gumagabay sa ating pakikisalamuha at pakikipag-ugnay sa isa’t isa?
Kapanalig, ayon nga sa Laudato Si, tayo ay isang pamilya, at iisa ang ating tahanan. Ang lahat ng hamon na ito ay hamon sa atin bilang isang pamilya. Sa gitna ng lahat ng pagbabago at ng mga problema, magsasama sama nawa tayo. Iisa lamang ang ating mundo. Magkakaiba man tayo, iisa lamang ang ating pamilya. Nawa’y tayo’y magkaisa.