4,993 total views
Nanawagan si Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity Chairman
at Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na ipatupad “beyond politics” ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP law.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi dapat paboran ng bagong pamunuan ng Department of Agrarian Reform o DAR ang isinusulong na “Genuine Agrarian Reform program”.
Inihayag ng Obispo na bukod sa pamamahagi ng lupa ay dapat ding ibigay ng gobyerno ang support services sa mga magsasaka upang kanilang mapagyaman ang pag-aaring lupa.
“Sana seryosohin nila kasi alam naman natin yung head ng DAR, siya ay nasa kaliwa, ang gusto nilang gawin ay genuine land reform kaya lang wala pa namang batas sa land reform na gusto nila, ang batas natin ngayon ay carper. So dapat na ipatupad iyan. Kaya you should go beyond politics, sana habang wala pa tayong garp na batas at dapat ipatupad ang CARP law.Iyong mga lupang kailangang ipamigay ay ipamigay at support services kailangan ipamigay din na hindi nagawa ng nakaraang administrasyon.”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Kasabay nito ang apila ng Obispo na matutukan din ang pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita na mayroong support services upang hindi ipaupa at ibenta ng mga magsasaka ang kanilang pagmamay-aring lupa.
Umaasa ang Obispo na totohanin ng pamahalaan ang pagpatupad sa land reform law at bigyang halaga ang kalagayan ng mga magsasaka na itinuturing na pinaka-mahirap na sektor sa bansa.
Ginawa ni Bishop Pabillo ang panawagan sa pamahalaan matapos magbarikada ang 700-magsasaka sa Hacienda Luisita upang ipanawagan ang pagkakaloob sa kanila ng natitira pang 900- hektaryang lupain na ipinag-utos na ipamahagi ng Korte Suprema noon pang taong 2012.
Ang 900-hektaryang lupain ay bahagi ng kabuuang 4,500 hektarya ng lupa para sa may 6,200 farmer beneficiaries ng Hacienda Luisita.
Nabatid ng Veritas Research team na ibinaba sa 10.1-bilyong piso ngayong taon ang pondo sa CARP law mula sa 10.4-bilyong piso noong nakaraang taon para maisakatuparan ang pamamahagi sa 95-libong hektaryang lupain sa mga magsasaka.